Linggo, Nobyembre 06, 2022

AGUSAN DEL NORTE REP. DALE CORVERA, NAHIRANG BILANG WORLD SCOUTS PARLIAMENTARY UNION (WPSU) EXECUTIVE COMMITTE MEMBER

Hinirang bilang miyembro ng Executive Committe ng World Scout Parliamentary Union (WSPU) si Agusan del Norte 2nd District Rep. Dale Corvera sa idinaos na 10th General Assembly sa Jeonju City, Jeollabuk-do Province sa Republic of Korea noong October 31 hanggang November 2, 2022 para sa terminong 2022 hanggang 2025.


Ang WSPU ay isang lupon na nag-uugnay sa Scout-oriented na mga mambabatas sa buong daigdig upang mapatatag ang National Scout Organizing sa pang-nasyunal na antas at matugunan ang kanilang mga problema at ng komunidad na kanilang ginagalawan.


Dahil dumarami ang mga parliyamento sa mundo na nagtatag ng mga National Scouts Parliamentary Association (NSPA), na susuporta sa mga inisyatiba at pagsasabatas kaugnay sa mga kabataan, nais ng WSPU na magawaran ang Scouting Movement ng sapat na pakikipag-ugnayan sa mga mambabatas sa usaping youth empowerment at nation building.


Kasama ni Rep. Corvera sa naturang pagtitipon sina Rep. Jose Manuel Alba ng Bukidnon, Rep. Peter Miguel ng South Cotabato at Asia-Pacific Regional Director JR Pangilinan bilang technical adviser.

GAMOT SA LEPTOSPIROSIS NA DOXYCYCLINE, DAPAT AVAILABLE SA MGA BARANGAY AT EVACUATION CENTER

Iminungkahi ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin sa Department of Health(DOH) na ipreposition ang doxycycline drug, ang gamot para sa leptospirosis, sa mga barangay at maging sa paaralan na ginagamit na evacuation center upang agad na magamit sa panahon ng kalamidad.


Ginawa ni Garin ang rekomendasyon matapos ang kanyang obserbasyon sa naging pananalaasa ng Bagyong Paeng na nahirapan ang mga District, Provincial at Local Government Units(LGUs) na agad na makapagbigay ng doxycycline sa mga apektadong residente dahil ang supply nito ay kukunin pa sa DOH Regional Offices.


Inilagay ng DoH sa mga Regional Offices ang mga gamot at medical supplies nito bilang paghahanda sa Bagyong Paeng, gayunpaman nang manalasa na ang bagyo ay nahirapan nang ibaba ang gamot sa mga LGUs partikular na ang kinakailangang doxycycline.


Ayon kay Garin, sa kanyang distrito sa Iloilo First District ay 6 na araw matapos ang Bagyong Paeng saka nakarating ang doxycycline habang may ilang lalawigan na matinding tinamaan ng bagyo ang  hindi pa ito napapakinabangan hanggang sa kasalukuyan.





“Leptospirosis is a preventable disease pero ang nangyayari sa atin huli na yung prophylaxis na para sana sa prevention. Doxycycline to be effective should be initiated as soon as possible”paliwanag ni Garin na isang doctor.



 “yung oras ay mahalaga, makainom agad lalo na yung mga high risk individuals pero ang naging problema ay naputol na ang communicaton lines, nasira ang tulay, may ginagawang clearing operations kaya paano mapick up ang gamot, matatagalan talaga. So nawala na yung importansya nito na para sana sa prevention”dagdag pa nito.


Umaasa si Garin na rerebyuhin ng DoH ang prepositioning ng doxycyxline lalo isa ito sa mga gamot na kailangan sa panahon na may kalamidad. 


“we are proposing a more practical and responsive solution to prevention of leptospirosis. We should target zero leptospirosis post flooding, Hinahabol natin ang protection because leptospirosis easily reaches irreversible stage. Prevention is still the best”giit ni Garin.


Ang leptospirosis ay nakukuha mula sa kontaminadong ihi ng mga hayop, ang bacteria ay maaring pumasok sa mga sugat, mata, ilog at bibig. 


Ang unang sintomas ay maaaring lumabas sa loob ng 2 hanggang 14 araw, kabilang dito ang mataas na lagnat, pananakit ng ulo, muscle pain, chills, pamumula ng mata, sakit ng tiyan, jaundice, pagsusuka ,diarrhea at rash.  Kung hindi maagaapan ay maaari itong magresulta sa kidney damage, meningitis, liver failure, respiratory distress o kamatayan.


Napatunayan na ng mga experto na nakatutulong ang doxycycline upang hindi magkaroon ng malalang kaso ng leptospirosis at alinsunud sa “Interim Guidelines on the Prevention of Leptospiros through the use of prophylaxis in Areas Affected by Floods” na ipinalabas ng DOH ay dapat mibigay ito sa mga apektadong indibidwal sa loob ng 24 hanggang 72 oras mula maexpose sa kontaminadong tubig.

Biyernes, Nobyembre 04, 2022

PAGDIRIWANG NG HREP MONTH 2022, MATAGUMPAY NA WINAKASAN NG KAMARA

Napuno ng musika, pagkain at tawanan ang kapaligiran nitong nakaraang Huwebes ng hapon ng ang mga opisyal at kawani ng Secretariat ng Kamara, gayundin ang mga congressional staff, ay nagtipun-tipon upang makibahagi sa pagtatapos ng isang buwang pagdiriwang ng Ika-115 Anibersaryo ng pagkakatatag ng Kapulungan. 


Kasama sa pangwakas na aktibidad ngayong taon na isinagawa sa HRep Complex rear entrance ang mga papremyo sa paripa at ang paggawad sa mga nagsipagwagi mula sa iba't ibang mga laro at aktibidad. 


Sa kanyang malugod na mensahe, sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na pinahina ng pandemya dulot ng COVID-19 ang ugnayan at pagkakaisa ng iba't ibang tanggapan dahil sa kawalan ng harap-harapang pakikipag-ugnayan.  


"With this year's theme, ‘One House, One Voice,’ we made sure that all the events will surely bring each other, each employee closer," ani Velasco. 


Nagkaroon din siya ng pagkakataong maibahagi ang kanyang hilig sa pag-awit sa pamamagitan ng pagharana sa mga nanonood na ikinasaya ng lahat. 


Sa isang buwang selebrasyon, nakibahagi ang mga kawani secretariat at ng congressional staff sa mga seminar at webinar na magpapaunlad ng kanilang kaalaman, mga one-stop shop para sa mga serbisyo ng pamahalaan, mga e-jeep para sa madaling transportasyon, gayundin ang mga libreng mga medikal na pagsusuri, konsultasyon at mga gamot. 


Ang iba pang mga aktibidad ay ang "Makata sa Pandemya:" isang paligsahan sa pagsulat ng tula, Blood Olympics, Photolympics, Hula-hula House, mashup quiz bee, cheering competition, e-games, Palaro ng Lahi, at multi-sports pocket tournament. 


Nagtanghal ang Plethora Band sa pangwakas na aktibidad at pinasaya rin ng mga sikat na personalidad tulad nina Negi, Petite, at Ate Gay ang mga manonood sa kanilang talastasan at pagtatanghal ng stand-up comedy, na masayang tinanggap ng mga manonood ng Kamara. 


Samantala, sa kanyang pangwakas na mensahe, pinasalamatan ni Finance Department Deputy Secretary General Dante Roberto Maling ang mga Kinatawan ng Kapulungan, mga kawani ng secretariat, at Congressional staff sa kanilang kontribusyon sa matagumpay na pagdiriwang ng HRep Month 2022.

MUNGKAHI NG NDRRMC NA ISAILALIM SA STATE OF CALAMITY ANG BUONG BANSA, TINUTULAN SA KAMARA

Mariing kinontra ni Manila 3rd district Representative Joel Chua ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na isailalim ang buong bansa sa state of calamity sa loob ng isang taon.


Sinabi ni Chua na tama ang posisyon ni President Ferdinand Bongbong Marcos Jr na hindi sapat ang kasalukuyang sitwasyon para maging basehan ng deklarasyon ng state of calamity ng ganun katagal.


Ayon sa kanya, ang hagupit ng bagyong Paeng ay hindi naman sumaklaw sa lahat ng rehiyon sa bansa.


Higit na nababahala si Chua na pabigla-bila at hindi pinag-iisipang mabuti ng NDRRMC ang rekomendasyon nito.

Huwebes, Nobyembre 03, 2022

PAGPAPALAKAS NG DIVING AT TRAVEL INDUSTRIES SA BANSA, ITATAGUYOD NI REP. JINKY LUISTRO

Bilang pagtugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na muling pasiglahin ang turismo ng bansa, sumama si Batangas 2nd District Representative Gerville “Jinky Bitrics” Luistro kina Tourism Secretary Christina Frasco upang dumalo sa Dive Equipment and Marketing Association (DEMA) Show 2022 na ginanap noong November 1 hanggang November 4 sa Orange County Convention Center sa Orlando, Florida, sa Estados Unidos.


Pangunahing itataguyod ni Rep. Jinky sa DEMA ang Batangas dive sites, Marine Sanctuary Verde Island Passage na magpapalakas sa local tourism ngayong post-covid at makapagbibigay ng kabuhayan sa ating lokal na kababayan.


Sinabi ng mambabatas na ang convention na ito ang pinakamalaking magnet ng mga turista na mahilig sa diving at makahihikayat ito ng daan-daang exhibitors at libo-libong dive at travel industry professionals na magpunta sa ating bansa.


Ayon pa sa kanya, isa sa kanyang legislative priorities ang Verde Island Passage na kilala sa tawag na VIP, isang makipot na lagusan na naghihiwalay sa Luzon at Mindoro.


Si Rep. Jinky ay kasalukuyang Vice Chairperson ng House Committee on Tourism.

Miyerkules, Nobyembre 02, 2022

PAHAYAG NG PAGSUPORTA SA PANUKALANG DPWH DISTRICT OFFICE SA BARMM

Nagpahayag ng buong suporta si Basila Rep. Mujiv Hataman sa panukala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumuo ng isang district office para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM para mapabilis ang pag-aayos ng mga nasirang daan at tulay dulot ng Bagyong Paeng.


Sinabi ni Rep. Hataman na naging panawagan na niya ito noong 18th Congress pa lamang.


Ayon sa kanya, maraming daan at tulay ang napinsala sa pananalasa ng nakaraang bagyo, at marami dito ang hindi madaanan, bagay na nagpapahirap sa pagpapadala ng tulong sa mga mamamayang nasalanta ng kalamidad.


Nakikita rin umano niya ang kahalagahan ng pagtatayo ng isang tanggapan ng DPWH sa BARMM na mangangasiwa hindi lamang sa pagkumpuni ng mga damaged infrastructure dulot ng Bagyong Paeng, kundi pati na rin sa patuloy na implementasyon ng national projects na pinopondohan ng pamahalaan.




Noong nakaraang Kongreso, kasama ang mga BARMM representatives, nag-file siya ng isang resolution na humihiling na magtayo ng National DPWH office sa BARMM. Ito ay nakapaloob sa Resolution No. 333 na nai-file niya, kasama sina Datu Roonie Sinsuat Sr. at Esmael Mangudadatu ng Maguindanao, si Munir Aribson ng Sulu, si Rashidin Matba ng Tawi-tawi, si

Yasser Balindong at Ansaruddin Adiong ng Lanao del Sur, at si Amihilda Sancopan ng Anak Mindanao, na pawang mga kinatawan sa 18th Congress noon.


Nakita na umano niya noon na may kahirapan ang implementasyon ng national infrastructure projects sa BARMM dahil sa kawalan ng national office ng DPWH dito. Sayang lamang at hindi naisabatas o nagawa ang nilalaman ng ating resolusyon noon.


Idinagdag pa niya na praktikal na mungkahi ang pagbubuo ng district engineering office ng DPWH sa bawat lalawigan ng BARMM upang mapangalagaan ang mga pambansang daanan o national highways, kaya ito isinulong ng mga Bangsamoro representatives noong 18th Congress. 


Ito upang maiwasan ang magturuan kung sino ang mangangalaga ng mga kalsada pagdating ng panahon.


Hinilini Hataman sa 19th Congress at sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. na ituloy na ang pagtatayo ng DPWH District Engineering Offices sa bawat lalawigan ng BARMM para sa mga ganitong pagkakataon na kailangang mag-implement ng mga national projects sa BARMM, pangalagaan ang mga national roads and highways, at para sa mabilis na pag-responde sa ganitong mga pagkakataon.


Diin pa niya na ito ay para sa ikagiginhawa ng mga mamamayan sa Bangsamoro at sa ikauunlad ng BARMM.

Lunes, Oktubre 31, 2022

FINANCIAL PLEDGES PARA SA 'PAENG' RELIEF OPS UMABOT NA NG HALOS P50M

Umabot na sa P49.2-milyon ang mga pangakong pinansyal ang natanggap ng Tanggapan ni Speaker Martin G. Romualdez, sa pagpapatuloy ng relief drive para sa mga pamilya na apektado ng Severe Tropical Storm "Paeng" (international name: Nalgae). 


Ipinahayag ito ni Romualdez ngayong Lunes, habang ang Batasang Pambansa Complex sa Lungsod ng Quezon, tahanan ng Kapulungan ng mga Kinatawan, ay ginawang napakaabalang lugar para sa pagso-sort at repacking ng mga relief goods simula pa noong nakaraang katapusan ng linggo. 


Ang tumatakbong kabuuang halaga ng pinasya ay resulta ng panawagan ni Romualdez sa publiko noong nakaraang Sabado para sa mga donasyon, upang maipamahagi at tulungan ang mga biktima ng mapaminsalang bagyo, na nakaapekto sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Ang halaga ay umabot agad sa P35-milyon noong araw ng Linggo.


Bukod sa P49.2-milyon, si Speaker, na kumakatawan sa Unang Distrito ng Leyte, ay nakatanggap din ng pangakong ayuda mula sa pribadong sektor, na nangakong tutulong sa produksyon ng mga kinakailangang relief packs. Karamihan sa mga ito ay naipadala na sa mga biktima ng bagyo sa mga lalawigan ng Cavite at Laguna. 


Ang fund drive ay pinangunahan nina Speaker Romualdez; ng kanyang may-bahay, si House Committee on Accounts Chairperson at Tingog Party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez; at House Committee on Appropriations Chairman, Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co. 


"Tuloy-tuloy po ang relief drive at operations ng Kongreso para sa mga nasalanta ng bagyong Paeng sa tulong ng mga staff ng Office of the Speaker at sa mga Secretariat employees ng House of Representatives. Asahan po ninyo na ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya upang makapagpadala ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo," ayon kay Speaker ngayong Lunes. 


Nagpadala rin ng donasyon ang mga kawani at opisyal ng Kapulungan, ng mga used clothes at iba pang mahahalagang gamit na maaaring magamit ng mga biktima ng bagyo.


Nanalasa ang STS Paeng sa bansa sa panahon ng bakasyon ng Kapulungan, na nangangahulugan na ang mga kinatawan ay nasa kani-kanilang mga distrito.


Ang kanilang presensya sa kanilang mga distrito ang naging dahilan upang magkaroon ng maayos na koordinasyon sa pakikipag-ugnayan sa relief drive ng Speaker.


Hanggang ngayong ala-1 ng hapon ng Lunes, tumugon sina Speaker Romualdez at Rep. Yedda Romualdez sa mga hiling para sa ayudang pinansyal at pagkain ng mga sumusunod na mambabatas: Reps. Emmanuel Billones (Capiz, 1st District), Jane T. Castro (Capiz, 2nd District), Carlito S. Marquez (Aklan, 1st District), Teodorico “Ted” Haresco Jr. (Aklan, 2nd District), Ferjenel G. Biron (Iloilo, 4th District), Gerardo Valmayor Jr. (Negros Occidental, 1st District), Antonio Legarda Jr. (Antique, Lone District), Mohamad P. Paglas (Maguindanao, 2nd District), Bai Dimple I. Mastura (Maguindanao at Cotabato City, 1st District), David “Jay-jay” C. Suarez (Quezon, 2nd District), former Speaker Lord Allan Velasco (Marinduque, Lone District), House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe (Zamboanga City, 2nd District), Mercedes K. Alvarez (Negros

Occidental, 6th District), Maria Theresa V. Collantes (Batangas, 3rd District), Sittie Aminah Q. Dimaporo (Lanao del Norte, 2nd District), Cavite Rep. Lani Mercado Revilla (Cavite, 2nd District), Ramon Jolo B. Revilla III (Cavite, 1st District), and Marlyn "Len" B. Alonte (Biñan City, Lone District), Raul "Boboy" C. Tupas (Iloilo 5th District), Rene Ann Lourdes Matibag (Laguna, 1st District), Bryan Revilla (Agimat, Party-list), James "Jojo" Ang (USWAG ILONGGO, Party-list), Antonio A. Ferrer (Cavite, 6th District), Adrian Jay C. Advincula (Cavite, 3rd District), Roy Loyola (Cavite, 5th District), Elpidio "Pidi" Barzaga Jr. (Cavite, 4th district), Aniela Bianca D. Tolentino (Cavite, 8th District), Joseph "Jojo" Lara (Cagayan, 3rd District), at Dan S. Fernandez (Santa Rosa City, Lone District). 


Tumugon rin sila sa hiling na ayuda nina Governors Fredenil “Fred” H. Castro ng Capiz at Florencio “Joeben” T. Miraflores ng Aklan. 


Sa pakikipag-partner kay Social Welfare and Development Sec. Erwin Tulfo, sinabi ni Romualdez na ang paunang mga pangalan ng kanyang mga kapwa mambabatas na humihiling ng tulong ay makakatanggap rin ng ayuda mula sa programa ng ahensya na Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).


Nakipag-ugnayan rin ang Kapulungan sa Tingog Party-list na kinakatawan ni Cong. Jude Acidre at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang pagsagawa ng relief operations sa Ikalimang Distrito ng Leyte, Lungsod ng Ormoc, kasama na ang ilang bahagi ng Cotabato at Maguindanao. 


Samantala, inilalarawan ng kaganapan sa Batasang Pambansa at mga pagsisikap ng mga kawani na nagboluntaryo sa pagre-repack ng mga relief goods kahapon, Linggo, ang nagpa-antig sa kalooban ni Speaker Romualdez, at nagpalakas sa pagsisikap ng Kapulungan na makarating sa mga taong nangangailanghan sa lalong madaling panahon.


"Salamat sa mga staff ng Office of the Speaker at sa mga Secretariat employees ng House of Representatives sa pagbibigay ng oras para sa ating relief operations. Tuloy-tuloy po ang kanilang pagtulong kahit na walang pasok sa opisina para lamang maihatid ang mga relief goods sa mga nangangailangan nating kababayan. Saludo po ako sa inyong lahat!" ani Speaker Romualdez. #

AGARANG AKSIYON SA MGA PRIORITY BILLS NA NAKALATAG SA MULING PAGBUBUKAS NG SESYON NGAYONG NOV. 7, TINIYAK NI SPEAKER ROMUALDEZ

Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na agad na aaksiyunan ang mga mahahalagang panukalang batas ng Marcos administration sa muling pagbabalik ng sesyon sa November 7.


Ayon kay Romualdez kabilang dito ang E-Governance Act na layuning 

i-digitalize ang mga record ng gobyerno para mapabilis ang delivery ng sebisyo at maalis ang red tape sa mga government transaction.


Sabi ni Romualdez, tugon din ito sa panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos na ipasa ang naturang panukala para makasunod ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa larangan ng digital economy.


Sa Kamara anya, sinimulan na ang digitalization project at nakipagpulong na si House Secretary General Reginald Velasco sa mga kinatawan ng Congressional Research Service of the Library sa Washington DC.


Dagdag pa ni Romualdez, bumuo na rin ng technical working group ang House Committee on Information and Communications Technology na pinamumunuan ni Congressman Toby Tiangco para ma-consolidate ang E-Governance Act at E-Government Act.

TULONG NG MGA AIRLINE SA MGA PASAHERO NA NAKANSELA ANG BIYAHE, IPINANAWAGAN NI REP. SALCEDA SA DOTR

Pinapatiyak ni House Ways and Means Chairman at Albay 2nd district Representative  Joey Sarte Salceda sa Department of Transportation na naibibigay ng mga airline companies ang nararapat na tulong sa mga pasahero ng eroplano na makakansela ang byahe.


Base sa monitoring ng tanggapan ni Salceda, ay umaabot na sa 44 na domestic at international flights ang kanselado at inaasahang madadagdagan pa dahil sa pananalasa ngayon ng bagyong Paeng.


Tinukoy ni Salceda na base sa “Air Passenger Bill of Rights” ang mga pasahero ng makakanselang byahe ng eroplano ay dapat mabigyan ng libreng pagkain at inumin, libreng tawag, text o emails, mabigyan ng libreng  first aid kung kakailanganin, dapat ding i-rebook o i-refund ang kanilang ticket at marami pang iba.


ayon kay Salceda, maraming reklamo  ang natatanggap ng kanyang opisina mula sa mga pasahero ng cancelled flights na dapat aksyunan agad ng DOTR.


Bukod sa mga stranded na pasahero sa paliparan ay pinapa-aksyon din ni Salceda ang DOTR para magbigay ng tulong at kalinga sa mga stranded na pasahero sa mga pantalan dahil sa mga nakanselang byahe ng barko tulad sa Batangas Port.

UMABOT NA SA MAHIGIT ₱35 MILYONG HALAGA NG DONASYON ANG NALIKOM NG KAMARA PARA MGA NASALANTA NG BAGYONG PAENG

Nagsasagawa ng round the clock meetings ang tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez sa mga concerned government agencies para matiyak ang maayos na pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyong Paeng.


Ayon kay Romualdez, maraming mga kongresista ang nagbigay na ng kanilang pledge o nangako ng tulong-pinansiyal para mai-donate sa mga nasalanta ng bagyo.


Sabi ni Romualdez, sa kasalukuyang umaabot na sa 35-million pesos ang halaga ng donasyon at pledges mula sa mga kongresista at ilang pribadong indibidwal para naman sa distribution ng relief packs.


Tuloy-tuloy din ang koordinasyon ng Kamara sa NDRRMC, Office of Civil Defense at Department of National Defense para maiparating ang tulong sa mga nasalanta ng bagyong Paeng.


Ang relief drive ng Kamara ay inanunsiyo kagabi sa mga social media platforms ni Romualdez.


Samantala, muling tiniyak ni Speaker Romualdez na tutugunan ng Kamara ang pangangailangan ng mga ahensiya ng gobyerno pagdating sa kalamidad kaugnay ng pagsasa-pinal sa 2023 proposed national budget.

POSIBLENG PAG-ADJUST SA PANUKALANG 2023 BUDGET PARA MAILAAN ANG PONDO PARA SA REHABILITASYON SA MGA NASALANTA NG BAGYONG PAENG

Kailangan ang comprehensive assessment sa pinsala at lawak ng bagyong Paeng sa ibat-ibang bahagi ng bansa.

 

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, makatutulong ito kung kakailanganin ng Kongreso na i-adjust ang 5.268-trillion peso national budget para sa susunod na taon at mailaan sa pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo.

 

Tiniyak ni Romualdez na gagawin lahat ng Kongreso para matulungan na makabangon muli ang mga kababayan natin mula sa panibagong hamon.

 

Sabi ni Romualdez, inatasan niya si Congressman Rizaldy Co, Chairman ng House Committee on Appropriations na kunin ang damage assessment report mula sa mga Kongresista para marepaso ang posibleng adjustment sa 2023 proposed national budget.

 

Ang adjustment anya ay para sa repair and rehabilitation ng mga naapektuhang lalawigan para mailaan sa budget sa susunod na taon.

 

Naipasa na ng Kamara ang 2023 General Appropriations Bill at tatalakayin na ito ng Senado sa sandaling mag-resume ang sesyon sa November 7 bago sumalang sa bicameral conference committee.


Samantala, naglunsad din ng relief drive ang Kamara para sa mga nasalanta ng bagyong Paeng.


Bukod sa pledges o tulong pinansiyal na umaabot na sa 35-million pesos, may mga donasyon din na relief goods ang Kamara na nakatakdang dalhin sa mga lalawigan na malubhang nasalanta ng bagyong Paeng.

IMBESTIGASYON SA DAHILAN NG MALAWAKANG PAGBAHA SA MAGUINDANAO, IPINANAWAN NI REP. HATAMAN

Nanawagan ng masusing assessment si Basilan Representative Mujiv Hataman sa dahilan ng matinding pagbaha sa Maguindanao nang manalasa ang bagyong Paeng.


Ayon kay Hataman, layunin nito hindi para magbunton ng sisi kundi maghanap ng mga paraan kung papaano ito maiiwasan sa sandaling may dumating na mga panibagong bagyo.


Nagpahatid ng pakikiramay si Hataman sa mga pamilya ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyong Paeng na umaabot sa mahigit apatnapu katao.


Umaapela ng tulong si Hataman sa mga ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor na magpadala ng tulong sa mga biktima ng bagyo lalo na sa lugar ng BARMM o Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao kung saan mataas ang bilang ng mga nasawi.


Sabi ni Hataman, pwede rin kunin ng gobyerno ang tulong ng mga LGU sa Maguindanao para sa search and rescue operations para sa mga naiulat na nawawala.


Una rito, maging si Pangulong Bongbong Marcos ay nagtatanong kung bakit nangyari ang malawakang pagbaha sa Maguindanao kung saan malaking bilang ng casualty ay mula sa naturang lalawigan.

BADYET SA 2023 POSIBLENG AYUSIN PARA SA REHABILITASYON NG MGA LUGAR NA SINALANTA NG BAGYONG PAENG; MUNGKAHING DEKLARASYON NG PAMBANSANG KALAMIDAD SUPORTADO NI SPEAKER

Nanawagan ngayong linggo si Speaker Martin G. Romualdez para sa isang komprehensibong pagtataya sa mga pinsala at pagkasira na idinulot ng Severe Tropical Storm (STS) Paeng sa maraming lugar sa bansa.


Ayon kay Romualdez, maaaring ayusin ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang panukalang P5.268-trilyong pambansang badyet sa susunod na taon para sa mga kakailanganing pondo sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.


“Asahan po ninyo na gagawin namin ang lahat para makabangon muli ang ating mga kababayan mula sa panibagong hamong ito na hinaharap natin ngayon,” ani Romualdez.


Kaugnay nito, suportado ni Speaker ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ideklara ang National State of Calamity dahil sa mga epekto at pinsala na idinulot ng pinakahuling bagyo. 


Sinabi niya na ang mga ulat na nakarating sa kanyang tanggapan ay nagpapakita na, “almost all regions in the country were affected by the onslaught of STS Paeng, which destroyed bridges, roads and key infrastructure and wrought havoc to life and property”


“I have requested my fellow members of the House of Representatives to help the executive departments and agencies assess the damage caused by the STS Paeng and assist in relief operations in their respective districts,” ani Romualdez.


Kinausap ni Romualdez si Appropriations Committee chairman at Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na itala ang mga pinsala mula sa mga mambabatas at mga tanggapan ng ehekutibo, “so that they may aid us in reviewing possible adjustments in budget allocation for repair and rehabilitation of affected areas under the proposed 2023 General Appropriations Act.”


Ipinasa na ng Kapulungan ang panukalang badyet para sa susunod na taon, sa ikatlo at huling pagbasa. Nakatakda rin itong talakayin ng Senado sa pagbabalik-sesyon ng Kongreso sa ika-7 ng Nobyembre. Matapos nito, ang badyet ay pag-uusapan na sa bicameral conference committee.


Sinabi ni Romualdez na sa kasalukuyan, nakatuon ang mga mambabatas sa, “is in relief operations to alleviate the suffering of our fellowmen and to deliver aid as soon as possible to those in need.” 


Sinabi niya na naglunsad ang kanyang mga kapwa mambabatas ng relief drive at operasyon sa Kapulungan ng mga Kinatawan upang tulungan ang pamahalaang nasyunal para makapangalap ng mga kinakailangan para sa mga apektadong komunidad.

“The House of Representatives will also use its power over the purse to see to it that rehabilitation of affected communities will proceed unhampered as soon as the relief stage is completed,” dagdag pa ni Romualdez. #

KAPULUNGAN, NAKAKALAP NA NG P35-M NA PLEDGES PARA SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG PAENG

Nagdaraos ang Tanggapan ni Speaker Martin G. Romualdez ng tuloy-tuloy na pagpupulong sa mga kinauukulang ahensya, at mga matataas na opisyal ng pamahalaan ngayong linggo, upang matiyak ang maayos na koordinasyon sa relief drive para sa mga biktima ng Severe Tropical Storm Paeng (international name: Nalgae).


Ipinahayag ni Romualdez na nakatanggap na siya ng mga pangakong ayuda mula sa kanyang mga kapwa mambabatas, na pinangungunahan ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, chairman ng Komite ng Appropriations, at mga pribadong indibiduwal hinggil sa relief drive at nauna nang nakakalap ng P35-milyong halaga ng mga donasyon at pledges hanggang 12:45 ng umaga ngayong Linggo.


Bukod sa P35-milyon, nakatanggap rin si Speaker ng pangakong ayuda mula sa pribadong sektor, na nangakong tutulong sa produksyon ng mga kinakailangang relief packs.


Naging abala ang tanggapan ni Romualdez sa pakikipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), gayundin sa Office of the Civil Defense (OCD), Department of National Defense (DND), at iba pang kagawaran at mga ahensya upang matulungan ang mga biktima ng bagyo.


“During the darkest hours, the House of the People in coordination and partnership with the Marcos administration is always here to assist and help Filipinos in their time of need. We will support all the national government initiatives in pursuing relief and recovery efforts in areas affected by typhoon Paeng,” ani Romualdez.


Si Romualdez na kumakatawan sa Unang Distrito ng Leyte sa Kapulungan, ay nakikipag-ugnayan rin sa Departments of Health (DoH), Education (DepEd), Interior and Local Government (DILG), Public Works and Highways (DPWH), Trade and Industry (DTI), Energy (DoE), Transportation (DoTR), Information and Communications Technology (DICT) at iba pang mga kagawaran, upang makakuha ng malinaw na kaganapan sa epekto ng bagyo sa mga Pilipino, hinggil sa kalusugan, rescue missions, imprastraktura, edukasyon, halaga ng mga pangunahing bilihin, kuryente, transportasyon, komunikasyon, at iba pang mga alalahanin kaugnay ng kalamidad. 


Binanggit niya rin na tutugon ang Kapulungan sa mga pangangailangan ng mga kinauukulang kagawaran kaugnay ng kalamidad, sa usapin ng pagsasapinal ng panukalang badyet para sa 2023. 


Isinapubliko noong Sabado ng gabi ang hinggil sa relief drive sa Speaker's social media platforms.


Hanggang alas 10 ng umaga ngayong Linggo, sinabi ni Romualdez na siya at ang kanyang may-bahay, Tingog party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez, chairperson ng House Committee on Accounts, ay tumugon sa mga panawagan nina Reps. Emmanuel Billones (Capiz, 1st District), Jane T. Castro (Capiz, 2nd District), Carlito S. Marquez (Aklan, 1st District), Teodorico “Ted” Haresco Jr. (Aklan, 2nd District), Ferjenel G. Biron (Iloilo, 4th District), Gerardo Valmayor Jr. (Negros Occidental, 1st District), Antonio Legarda Jr. (Antique, Lone District), Mohamad P. Paglas (Maguindanao, 2nd District), Bai Dimple I. Mastura (Maguindanao at Cotabato City, 1st District), David “Jay-jay” C. Suarez (Quezon, 2nd District), former Speaker Lord Allan Velasco (Marinduque, Lone District), House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe (Zamboanga City, 2nd District), Mercedes K. Alvarez (Negros Occidental, 6th District), Maria Theresa V. Collantes (Batangas, 3rd District), Sittie Aminah Q. Dimaporo (Lanao del Norte, 2nd District), Cavite Rep. Lani Mercado Revilla (Cavite, 2nd District), Ramon Jolo B. Revilla III (Cavite, 1st District), at Marlyn "Len" B. Alonte (Biñan City, Lone District), at Governors Fredenil “Fred” H. Castro of Capiz at Florencio “Joeben” T. Miraflores ng Aklan para sa ayudang pinansyal at pagkain.


Sa pakikipag-partner kay Social Welfare and Development Sec. Erwin Tulfo, sinabi rin ni Speaker Romualdez na ang mga naunang pangalan ng mga kapwa niya mambabatas na humihingi ng tulong mula sa kanila, ay makatatanggap rin ng ayuda mula sa programa ng kagawaran na, Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).


Sinabi rin ni Speaker na naghanda rin ng isang relief mission si Tingog party-list Rep. Jude Acidre para sa Cotabato, Eastern Visayas, at iba pang lugar na apektado ng bagyong Paeng.


“Sa tulong ng mga kasama nating mambabatas sa House of Representatives, magsasagawa ang Office of the Speaker ng relief drive at operations para sa mga komunidad na nasalanta ng Bagyong Paeng. Maglalaan tayo ng pondo para simulan ang pagbili ng mga kakailanganing relief goods tulad ng bottled waters, canned goods, bigas at iba pang basic necessities na ipapadala sa mga apektadong komunidad,” ani Speaker Romualdez.


“Nananawagan din tayo sa pribadong sektor na makibahagi sa relief operations drive na ito at magpadala ng anumang tulong na maibabahagi nila sa mga nasalanta ng bagyo. Sa mga nagnanais at interesadong tumulong, maari po kayong tumawag sa numerong nasa baba (09171064969). Maliban dito, nag-coordinate na rin po tayo sa mga ahensya ng NDRRMC para maipaalam ang sitwasyon sa mga distrito base sa report ng ating mga kasama sa Kongreso.  Asahan po ninyo na gagawin natin ang lahat para makabangon sa panibagong hamon na dala ng bagyo. Maraming salamat po at mag-ingat po tayong lahat,” dagdag pa ni Speaker Romualdez. 

GARIN HINIMOK ANG DA AT RESTOS NA GAMITIN ANG KAMOTE BILANG KAPALIT NG KANIN AT FRENCH FRIES

Bilang dagdag nutrisyon at matugunan ang problema sa kakulangan ng bigas, inatasan ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin ang Department of Agriculture(DA) na palakasin ang produksyon ng kamote habang hinimok nito ang mga restaurant at karinderya sa buong bansa na gawing alternatibo sa isinisilbing kanin ang kamote.


Ayon kay Garin hindi dapat kalimutan na malaking bahagi ng malnutrisyon ay “self-inflicted” o gawa din ng may sariling katawan, upang matugunan ito ay panahon na para magkaroon ng  food alternatives gaya na lang sa kanin.


“hindi na dapat “Rice is life”. We call on restos to use kamote as alternative to rice and use kamote as French Fries. What we need now is kitchen innovations,”paliwanag ni Garin.


Sinabi ni Garin na kung may food option sa mga menu ng mga restaurants lalo pagdating sa kanin ay tiyak na simula na din itong magugustuhan ng mga Pinoy.


“Kamote is more filling and suppresses hunger pangs longer. Rice cannot match the nutritional values of kamote because rice converts to sugar in the body, that makes one vulnerable to diabetes. Too much rice consumption can make you sick but kamote can bring you to health and keep away some health problems and these have been proven medically, kamote lowers hypertension, bad cholesterol and even blood sugar when eaten as substitute to rice”pahayag ni Garin na isang doctor.


Ani Garin sa ibang bansa gaya ng South Korea, Japan at Estados Unidos, tinuturing ang kamote bilang super food at kabilang ito sa kanilang pang araw araw na diet  habang sa Pilipinas na may malaking produksyon ng kamote ay isinasantabi lang ito.


Sinabi ni Garin na panahon na para tutukan at ipromote ng DA ang kamote bilang alternatibo sa kanin, aniya, 2011 pa nang simulang  isulong ng DA ang kamote bilang rice alternative subalit hindi ito nagtagumpay dahil na rin sa mahinang promosyon.


“Ngayon na may problema sa supply ng bigas at idinudugtong din ang mataas  na kunsumo ng kanin sa pagkakaroon ng Type 2 diabetes ng mga Pinoy sinabi ni Garin na panahon na para bantayan ang diet at kung maaari ay iwasan ang masyadong maraming kanin.


Minungkahi ni Garin na upang makamit ang kamote bilang rice alternative ay dapat tutukan una ng DA ang pagbalangkas ng mga programa para mapataas ang produksyon ng kamote habang ipinapanukala din nitong bigyan ng insentibo ang mga restaurants na gagamit ng kamote bilang pamalit sa kanin o sa French fries.

MGA POLISIYA SA INDUSTRIYA NG POGO, KINUWESTYON NG COMMITTEE ON LABOR AND EMPLOYMENT SA KAMARA

Nagsagawa ng motu proprio inquiry ang Komite ng Labor and Employment sa Kamara de Representantes, na pinamumunuan ni Rizal Rep. Juan Fidel Felipe Nograles ngayong Miyerkules upang talakayin ang mga polisiya sa labor at employment sa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at mga nagsusulong nito. 


Ang hybrid na pagdinig ay tumalakay rin sa posibleng kahihinatnan ng pagpapahinto sa operasyon ng POGO sa bansa. 


Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Local Employment Bureau Chief Rosalinda Pineda na batid ng ahensya ang mga iligal na operasyon ng POGO, subalit ang kanilang tungkulin ay inspeksyunin ang mga legal at lisensyadong operators ng POGO. 


Tinanong ni Parañaque City Rep. Gus Tambunting ang mga plano at programa ng DOLE hinggil sa pagsisiyasat sa mga Pilipinong manggagawa sa POGO, na posibleng mawalan ng trabaho sakaling ipatigil ang operasyon ng POGO sa bansa. 


Sinabi ni Pineda na ang DOLE ay may mga programang pagsasaayos at pakikialam na nakalatag, upang matulungan ang mga Pilipinong manggagawa sa POGO, kasama ang kanilang mga pamilya. 


Iniulat ni National Economic and Development Authority (NEDA) Assistant Secretary Sarah Lynne Ducanes na sa kanilang paunang pagtataya sa 2022, ipinakikita rito na ang mga kompanya ng POGO ay nakapagdala na ng humigit-kumulang ng P53.1-bilyon sa ekonomiya, o 0.31 porsyento ng Gross Domestic Product (GDP). 


Sa hanay ng paglikha ng trabaho, ang industriya ng POGO ay tinatayang makakalikha ng 20,000 karagdagang trabaho sa kasalukuyang 16,736 Pilipinong nagtatrabaho ngayon sa industriya mula Enero hanggang Hunyo 2022. 


Sinabi niya na ang karagdagang trabahong ito na nalikha ay karaniwan sa serbisyo ng pagkain at inumin, trabaho sa bukid at pangingisda, pagtitingi, kalakalan, serbisyong teknikal at administratibo, transportasyon at real-estate. 


Gayundin, sinabi ni Ducanes na kinokonsidera ng NEDA ang potensyal na halaga ng ekonomiya na mawawala, na nagmumula sa dalawang pinanggagalingan nito, ang turismo mula sa mga Intsik at ang pamamayagpag ng mga mapanlinlang na transaksyon. 


Para sa Department of Finance (DOF), sinabi ni Undersecretary Maria Magno na ang kabuuang halaga ng buwis na nakokolekta ng kagawaran at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) mula sa POGO, ay nabawasan sa magkakasunod na taon dahil sa pormalisasyon ng sektor, at mga bagong polisiya sa buwis. 


Sinabi rin ni Magno na kapag itinigil ang POGO, mawawalan ng kita ng bansa ng P64.61-B sa direktang kontribusyon sa ekonomiya, o 0.3 porsyento sa GDP. Binigyan rin ng oportunidad ang mga Pilipinong manggagawa sa POGO, mga kawani, at mga service providers na magpahayag ng kanilang mga saloobin hinggil sa napipintong pagpapatigil sa industriya sa naturang pagdinig.

HIJAB DAY BILL, INAPRUBAHAN NA NG KOMITE

Inaprubahan ngayong Miyerkules ng Komite ng Muslim Affairs sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Muhamad Khalid Dimaporo (1st District, Lanao del Norte), ang ulat ng Komite sa substitute bill na nagdedeklara sa unang araw ng Pebrero ng bawat taon bilang National Hijab Day, at pagsusulong ng unawaan sa mga tradisyong Muslim sa pagsusuot ng hijab. 


Ang mga pinalitang panukala ay iniakda nina Rep. Bai Dimple Mastura ng Maguindanao at Deputy Minority Leader Mujiv Hataman.


HB 2587 nina Rep. Zia Alonto Adiong (1st District, Lanao del Sur) at Rep. Yasser Alonto Balindong (2nd District, Lanao del Sure); at HB 3755 ni Hataman. 





PAGTATATAG NG MGA PAMPUBLIKONG SEMENTERYO PARA SA MGA PILIPINONG MUSLIM, TINALAKAY SA KOMITE


Tinalakay ng Committee on Muslim Affairs ang mga panukala na naglalayong itatag ang mga pampublikong sementeryo para sa mga Pilipinong Muslim sa mga lungsod at bayan, na may malalaking populasyon ng mga Muslim. 


Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na sa kasalukuyan, napakahirap para sa mga Muslim na ilibing ang kanilang mga pumanaw na kaanak, dahil sa kakulangan ng mga pampublikong sementeryo na tumutugon sa kanilang mga pangangailangan, alinsunod sa kanilang mga paniniwala at tradisyon. 


Sinabi niya na kadalasan ay kailangan pa nilang dalhin ang kanilang mga namatay sa kanilang bayan sa Mindanao, na ayon sa kanya ay mas magastos at mahirap para sa mga namatayan. 


Sinabi naman ni Lanao del Sur Rep. Yasser Alonto Balindong na sa mga tradisyon ng Islam, ang paglilibing ng mga pumanaw na kapanalig ay isang sama-samang obligasyon ng komunidad ng mga Muslim. 


Samantala, sinabi ni Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman na ang kanyang panukala ay mula sa inspirasyon ng pagkakatatag ng pampublikong sementeryo sa Lungsod ng Maynila. 


Nagprisinta si Director Shey Sakaluran Mohammad ng Tanggapan ng Punong Lungsod ng Lungsod ng Maynila – Manila Muslim Affairs, sa kanilang sementeryo para sa mga Muslim. 


Binanggit niya ang Ordinance No. 8608 na noong panahon ni Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso ay kanyang nilagdaan, ika-2 ng Marso 2020, at naglalaan ng pondo para sa pagtatatag ng sementeryo para sa mga pumanaw na Muslim, na naninirahan sa Lungsod ng Maynila. 


Hinggil sa tanong sa basehang legal sa pagtatatag ng pampublikong sementeryo para sa mga Muslim, na ayon sa isinasaad sa probisyon ng paghihiwalay ng simbahan at estado, sinabi ni Sakaluran Mohamad na polisiya ng estado at mga lokal na pamahalaan na pangalagaan ang mga kultura at tradisyon ng mga Pilipino sa pangkalahatan. 


Ilang mga ahensya tulad ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF), Department of Budget and Management (DBM), Department of the Interior and Local Government (DILG), Commission on Audit (COA), at ang Ministry of the Interior and Local Government (MILG) Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ay inimbitahan upang magbigay ng kanilang mga komento at posisyon sa nasabing panukala.

ThinkExist.com Quotes