FINANCIAL PLEDGES PARA SA 'PAENG' RELIEF OPS UMABOT NA NG HALOS P50M
Ipinahayag ito ni Romualdez ngayong Lunes, habang ang Batasang Pambansa Complex sa Lungsod ng Quezon, tahanan ng Kapulungan ng mga Kinatawan, ay ginawang napakaabalang lugar para sa pagso-sort at repacking ng mga relief goods simula pa noong nakaraang katapusan ng linggo.
Ang tumatakbong kabuuang halaga ng pinasya ay resulta ng panawagan ni Romualdez sa publiko noong nakaraang Sabado para sa mga donasyon, upang maipamahagi at tulungan ang mga biktima ng mapaminsalang bagyo, na nakaapekto sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Ang halaga ay umabot agad sa P35-milyon noong araw ng Linggo.
Bukod sa P49.2-milyon, si Speaker, na kumakatawan sa Unang Distrito ng Leyte, ay nakatanggap din ng pangakong ayuda mula sa pribadong sektor, na nangakong tutulong sa produksyon ng mga kinakailangang relief packs. Karamihan sa mga ito ay naipadala na sa mga biktima ng bagyo sa mga lalawigan ng Cavite at Laguna.
Ang fund drive ay pinangunahan nina Speaker Romualdez; ng kanyang may-bahay, si House Committee on Accounts Chairperson at Tingog Party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez; at House Committee on Appropriations Chairman, Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
"Tuloy-tuloy po ang relief drive at operations ng Kongreso para sa mga nasalanta ng bagyong Paeng sa tulong ng mga staff ng Office of the Speaker at sa mga Secretariat employees ng House of Representatives. Asahan po ninyo na ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya upang makapagpadala ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo," ayon kay Speaker ngayong Lunes.
Nagpadala rin ng donasyon ang mga kawani at opisyal ng Kapulungan, ng mga used clothes at iba pang mahahalagang gamit na maaaring magamit ng mga biktima ng bagyo.
Nanalasa ang STS Paeng sa bansa sa panahon ng bakasyon ng Kapulungan, na nangangahulugan na ang mga kinatawan ay nasa kani-kanilang mga distrito.
Ang kanilang presensya sa kanilang mga distrito ang naging dahilan upang magkaroon ng maayos na koordinasyon sa pakikipag-ugnayan sa relief drive ng Speaker.
Hanggang ngayong ala-1 ng hapon ng Lunes, tumugon sina Speaker Romualdez at Rep. Yedda Romualdez sa mga hiling para sa ayudang pinansyal at pagkain ng mga sumusunod na mambabatas: Reps. Emmanuel Billones (Capiz, 1st District), Jane T. Castro (Capiz, 2nd District), Carlito S. Marquez (Aklan, 1st District), Teodorico “Ted” Haresco Jr. (Aklan, 2nd District), Ferjenel G. Biron (Iloilo, 4th District), Gerardo Valmayor Jr. (Negros Occidental, 1st District), Antonio Legarda Jr. (Antique, Lone District), Mohamad P. Paglas (Maguindanao, 2nd District), Bai Dimple I. Mastura (Maguindanao at Cotabato City, 1st District), David “Jay-jay” C. Suarez (Quezon, 2nd District), former Speaker Lord Allan Velasco (Marinduque, Lone District), House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe (Zamboanga City, 2nd District), Mercedes K. Alvarez (Negros
Occidental, 6th District), Maria Theresa V. Collantes (Batangas, 3rd District), Sittie Aminah Q. Dimaporo (Lanao del Norte, 2nd District), Cavite Rep. Lani Mercado Revilla (Cavite, 2nd District), Ramon Jolo B. Revilla III (Cavite, 1st District), and Marlyn "Len" B. Alonte (Biñan City, Lone District), Raul "Boboy" C. Tupas (Iloilo 5th District), Rene Ann Lourdes Matibag (Laguna, 1st District), Bryan Revilla (Agimat, Party-list), James "Jojo" Ang (USWAG ILONGGO, Party-list), Antonio A. Ferrer (Cavite, 6th District), Adrian Jay C. Advincula (Cavite, 3rd District), Roy Loyola (Cavite, 5th District), Elpidio "Pidi" Barzaga Jr. (Cavite, 4th district), Aniela Bianca D. Tolentino (Cavite, 8th District), Joseph "Jojo" Lara (Cagayan, 3rd District), at Dan S. Fernandez (Santa Rosa City, Lone District).
Tumugon rin sila sa hiling na ayuda nina Governors Fredenil “Fred” H. Castro ng Capiz at Florencio “Joeben” T. Miraflores ng Aklan.
Sa pakikipag-partner kay Social Welfare and Development Sec. Erwin Tulfo, sinabi ni Romualdez na ang paunang mga pangalan ng kanyang mga kapwa mambabatas na humihiling ng tulong ay makakatanggap rin ng ayuda mula sa programa ng ahensya na Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Nakipag-ugnayan rin ang Kapulungan sa Tingog Party-list na kinakatawan ni Cong. Jude Acidre at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang pagsagawa ng relief operations sa Ikalimang Distrito ng Leyte, Lungsod ng Ormoc, kasama na ang ilang bahagi ng Cotabato at Maguindanao.
Samantala, inilalarawan ng kaganapan sa Batasang Pambansa at mga pagsisikap ng mga kawani na nagboluntaryo sa pagre-repack ng mga relief goods kahapon, Linggo, ang nagpa-antig sa kalooban ni Speaker Romualdez, at nagpalakas sa pagsisikap ng Kapulungan na makarating sa mga taong nangangailanghan sa lalong madaling panahon.
"Salamat sa mga staff ng Office of the Speaker at sa mga Secretariat employees ng House of Representatives sa pagbibigay ng oras para sa ating relief operations. Tuloy-tuloy po ang kanilang pagtulong kahit na walang pasok sa opisina para lamang maihatid ang mga relief goods sa mga nangangailangan nating kababayan. Saludo po ako sa inyong lahat!" ani Speaker Romualdez. #