PAGDIRIWANG NG HREP MONTH 2022, MATAGUMPAY NA WINAKASAN NG KAMARA
Kasama sa pangwakas na aktibidad ngayong taon na isinagawa sa HRep Complex rear entrance ang mga papremyo sa paripa at ang paggawad sa mga nagsipagwagi mula sa iba't ibang mga laro at aktibidad.
Sa kanyang malugod na mensahe, sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na pinahina ng pandemya dulot ng COVID-19 ang ugnayan at pagkakaisa ng iba't ibang tanggapan dahil sa kawalan ng harap-harapang pakikipag-ugnayan.
"With this year's theme, ‘One House, One Voice,’ we made sure that all the events will surely bring each other, each employee closer," ani Velasco.
Nagkaroon din siya ng pagkakataong maibahagi ang kanyang hilig sa pag-awit sa pamamagitan ng pagharana sa mga nanonood na ikinasaya ng lahat.
Sa isang buwang selebrasyon, nakibahagi ang mga kawani secretariat at ng congressional staff sa mga seminar at webinar na magpapaunlad ng kanilang kaalaman, mga one-stop shop para sa mga serbisyo ng pamahalaan, mga e-jeep para sa madaling transportasyon, gayundin ang mga libreng mga medikal na pagsusuri, konsultasyon at mga gamot.
Ang iba pang mga aktibidad ay ang "Makata sa Pandemya:" isang paligsahan sa pagsulat ng tula, Blood Olympics, Photolympics, Hula-hula House, mashup quiz bee, cheering competition, e-games, Palaro ng Lahi, at multi-sports pocket tournament.
Nagtanghal ang Plethora Band sa pangwakas na aktibidad at pinasaya rin ng mga sikat na personalidad tulad nina Negi, Petite, at Ate Gay ang mga manonood sa kanilang talastasan at pagtatanghal ng stand-up comedy, na masayang tinanggap ng mga manonood ng Kamara.
Samantala, sa kanyang pangwakas na mensahe, pinasalamatan ni Finance Department Deputy Secretary General Dante Roberto Maling ang mga Kinatawan ng Kapulungan, mga kawani ng secretariat, at Congressional staff sa kanilang kontribusyon sa matagumpay na pagdiriwang ng HRep Month 2022.
0 Comments:
Mag-post ng isang Komento
<< Home