PBBM PINASALAMATAN NI ROMUALDEZ SA PAGSASABATAS NG SIM REGISTRATION ACT
Pinasalamatan ngayong Lunes ni Speaker Martin G. Romualdez si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa kanyang paglagda sa SIM Registration Act, na naglalayong protektahan ang mga Pilipinong konsyumer laban sa mga manloloko at mga nagnanakaw ng pagkakalilanlan.
“On behalf of members of the House of Representatives, we would like to convey our heartfelt gratitude to President Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. for signing into law the SIM Registration Act, the very first bill signed into law by this administration,” ani Romualdez.
Nilagdaan ni Pangulong Marcos ang SIM Registration Act upang ganap na itong maging batas, na kikilalanin bilang Republic Act (RA) No. 11934, halos isang linggo lamang matapos na lagdaan nina Romualdez at Senate President Juan Miguel "Migz" Zubiri ang ‘enrolled bill’ ng naturang panukala, at nagbigay daan sa pagsumite nito sa Palasyo para sa pag-apruba ng Pangulo.
“This measure was approved in both the House and in the Senate, and President Marcos' signature on this very important piece of legislation only signifies his administration’s recognition of the need to put in place measures that will protect Filipino consumers against cybercriminals and online scammers,” ani Romualdez.
Pinangunahan ni Romualdez ang lupon mula sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na sumaksi sa paglagda ng Pangulo sa SIM Registration Act.
Ang iba pang mga miyembro ng Kapulungan na dumalo sa isang simpleng seremonya sa paglagda ay sina Majority Leader Manuel Jose "Mannix" M. Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, House senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander "Sandro" Marcos, at Reps. Cheeno Almario, Toby Tiangco, Jude Acidre, Rex Gatchalian, Roman Romulo at Stella Luz Quimbo.
Ayon kay Romualdez, ang SIM Registration Act ay isang napakahalagang unang hakbang tungo sa proteksyon ng mga personal na lihim ng mga Pilipino, na kasalukuyang may banta sa panghihimasok ng mga masasamang tao, na nanggagamit ng mga personal na datos upang magkunwari, manloko at mandaya ng mga konsyumer.
Lumawak ang hangarin na maipasa ang batas sa sapilitang pagpaparehistro ng SIM dahil sa dumaraming ulat mula sa mga gumagamit ng cell phones, kabilang ang ilang mambabatas at mga opisyal ng pamahalaan, na nakakatanggap ng mga mensahe na naglalaman ng kanilang mga personal na detalye, at inuutusan silang pindutin ang mga link upang maka-akses ng mga kwestyunableng serbisyo o transaksyon.
Lumabas sa mga ulat na maraming konsyumer ang pumindot sa mga kwestyunableng link ang nanakawan ng salapi mula sa kanilang mga bank accounts, o kaya ay na-hack ang kanilang mga social media accounts at emails, at nagamit ng mga manloloko ang kanilang mga pagkakakilanlan, upang makapanloko ng iba pang tao.
Matatandaang may kaparehong panukala rin ang masusing tinalakay at inaprubahan noong ika-18 Kongreso, kung saan ay nagsilbing Majority Leader si Romualdez, subalit ito ay hindi naisabatas ng nakaraang administrasyon, dahil sa isinamang probisyon na nananawagan ng sapilitang rehistrasyon ng social media accounts.
Ang kasalukuyang bersyon ay hindi naglalaman ng nasabing probisyon.
Ang SIM Registration Act ay ibinatay sa House Bill (HB) No. 14 at Senate Bill (SB) No. 1310, na may magkaibang mga probisyon, na pinagkasundo naman sa pamamagitan ng bicameral conference committee.
Si Romualdez ang pangunahing may-akda ng HB No. 14, kasama nina Representatives Marcos ng Ilocos Norte, at Yedda Marie K. Romualdez at Acidre, ng Tingog party-list bilang mga co-authors. Pinagsama-sama ito ng 15 pang magkakahalintulad na panukala na inihain sa Kapulungan ng mga Kinatawan.
Sa ilalim ng bagong batas, ang lahat ng SIM na ipinagbibili ay nasa estado ng deactivated, at ang mga gagamit ay kinakailangang irehistro ang kanilang mga SIM sa kinauukulang Public Telecommunication Entity (PTE) bilang rekisitos para ma-activate.
Ang mga kasalukuyang SIM subscriber ay kinakailangan ring irehistro sa kanilang mga kinauukulang PTEs sa loob ng 180 araw matapos na magkabisa ang batas.
Ang pagkabigo na mairehistro ang SIM sa loob ng itinakdang panahon ay magreresulta sa otomatikong deactivation nito at maire-reactivate lamang matapos na ito ay mairehistro bilang pagsunod sa itinatakda ng batas.
Ang ilang hakbang tulad ng pagkabigo o pagtanggi na irehistro ang isang SIM, paglabag sa pagiging lihim, paggamit ng mga huwad na pagkakakilanlan at mga pekeng identification documents upang irehistro ang SIM, panggagaya ng isang rehistradong SIM, pagbebenta ng nakaw na SIM, at pagbebenta o paglipat ng isang rehistradong SIM na hindi sumusunod sa itinatakda ng batas sa rehistrasyon, ay parurusahan sa iba’t ibang antas o halaga ng multa, at pagkakabilanggo.
0 Comments:
Mag-post ng isang Komento
<< Home