Lunes, Oktubre 03, 2022

PROGRAMANG PABAHAY SA MGA GOVERNMENT NURSE, ISINUSULONG SA KAMARA

Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang pabahay para sa government nurses sa Pilipinas.


Sa explanatory note ng Nurses Housing Program ni Pinuno PL Rep. Howard Guintu, binanggit na ang programang pabahay para sa mga nurse ay maaaring isa sa mga paraan upang mahimok sila na manatili sa ating bansa at huwag nang mag-abroad. 


Giit ng kongresista, mahalaga ang papel ng mga nurse dahil hindi lamang sila nagta-trabaho sa mga ospital o klinika, kundi pati sa mga opisina, paaralan, home health care, senior living facilities at iba pa, at nagsusulong pa ng health and wellness para sa ating mga kababayan.


Noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, nagkaroon ng pangangailangan ng mga nurse sa iba’t ibang panig ng mundo.


Ngunit, kung nais ng pamahalaan na i-retain o huwag mag-alisan ang mga nurse, sinabi ni Guintu na kailangang may magandang mai-alok din sa kanila gaya ng programang pabahay, na magpapagaan din sa kanilang buhay.


Kapag naging ganap na batas, masasakop ng Nurses Housing Program ang mga nurse ng Department of Health o DOH na may permanenteng posisyon, at silang uubrang kumuha ng housing loans na mayroong abot-kayang interest rates at long-term repayment period.


Ang National Housing Authority o NHA, National Home Mortgage Finance Corporation, Home Guaranty Corporation at Government Service Insurance System o GSIS ay magkakaroon ng kani-kanilang mandato para sa implementasyon ng batas at matustusan ang programa.


Pinatitiyak naman sa panukala ang tamang koleksyon ng “amortization payments” sa housing loan sa pamamagitan ng salary deduction scheme.

ThinkExist.com Quotes