Nakabinbin pa sa Food and Drug Administration o FDA ang aplikasyon para sa emergency use authorization o EUA ng bakuna kontra COVID-19 para sa mga batang zero hanggang apat na taong gulang sa bansa.
Ito ang sinabi ni Department of Health o DOH OIC Ma. Rosario Vergeire, sa interpelasyon sa kanya ni Iloilo Rep. Lorenz Defensor sa budget briefing ng House Committee on Appropriations.
Ayon kay Vergeire, sa ngayon ay wala pang rekumendasyon mula sa mga eksperto sa ating bansa para sa COVID-19 vaccination sa hanay ng mga batang mababa sa edad 5 taong gulang.
Pero sinabi ng mambabatas na ang bakuna ng Moderna at Pfizer ay nagagamit na sa Amerika para sa mga batang zero hanggang 4 na taong gulang.
Dagdag ni Defensor, sana’y mapabilis sa ating bansa ang sariling patakaran o huwag nang delay pa para sa mga bakuna sa naturang age group dahil nagbukas na muli ang mga pre-school, pinagaan ang mask policy at iba pa.
Ayaw din umano niyang makita na ang mga bakuna ay ma-e-expire na naman. Mayroong umano siyang anak maging ang iba pa at ang gusto nila ay maprotektahan ang mga bata.
Kaya hirit niya sa DOH, dapat may “sense urgency” sa naturang usapin.
Ayon naman kay Vergeire, ang Health Technology Assessment Council o HTAC ay nagpapatuloy, at aplikasyon para sa EAU ay nasa FDA.
Samantala, sinabi naman ni DOH Dir. Alethea De Guzman na higit 93,000 na batang edad 5-pababa ang tinamaan ng COVID-19. Pero ito ay nasa 2.39% lamang ng kabuuang bilang ng mga kaso sa ating bansa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento