Binuhay ni House Committee on Constitutional Amendments chairman at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang kanyang panukalang buwagin na ang kontrobersyal na Procurement Service ng Department of Budget and Management o PS-DBM.
Ngayong 19th Congress, inihain ng beterarnong mambabatas ang House Bill 4204 na nagsusulong na i-abolish ang PS-DBM, na itinatag noong Oct. 1978.
Noong 18th Congress ay naghain na si Rodriguez ng katulad na panukala, pero bigong umusad sa Kamara.
Sa bagong House Bill niya, binanggit na naharap ang PS-DBM sa mga isyu kaugnay sa pagpapatupad ng mandato nito.
Halimbawa ni Rodriguez ang kontrobersyal na pag-transfer ng Department of Health o DOH ng P42 billion na pondo sa PS-DBM para sa procurement o pagbili ng COVID-19 pandemic supplies gaya ng face masks, face shields at iba pang PPEs.
Inakusahan ang PS-DBM na nagkaroon ng hindi tamang proseso at umano’y “overpricing” sa mga produkto, na inimbestigahan ng Senado at Kamara.
Pero pinaka-punto ni Rodriguez, napapanahon na aniyang lusawin ang PS-DBM dahil maituturing na “redundant at irrelevant” o hindi na mahalaga ang ahensya dahil ang pagtiyak sa tapat at tamang proseso ng government procurement ay nasasaad naman sa 1987 Constitution at Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act.
Kapag naging ganap na batas ang House Bill ni Rodriguez, ang mga ahensya ng gobyerno kasama ang government owned o controlled corporations o GOCCs, state universities and colleges o SUCs, at local government units o LGUs ang gagawa ng sariling procurement ng common-use supplies, equipment at katulad.
Sa naunang pahayag ng DBM, sinabi nito na bigyang ng pagkakataon ang PS-DBM na maibalik ang “old glory” nito lalo’t may mga programa at reporma naman na inilatag ang bagong pamunuan ng tanggapan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento