Huwebes, Setyembre 15, 2022

KOMITE NG DISASTER RESILIENCE, NAGDAOS NG PULONG SA PAG-OORGANISA; MGA PLANO AT PROGRAMA NG NATIONAL DISASTER COORDINATING COUNCIL AGENCIES, TINALAKAY

Nagpulong ngayong Huwebes ang Komite ng Disaster Resilience sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Alan 1 Ecleo (Lone District, Dinagat Islands) para sa kanilang pag-oorganisa. Pinagtibay ng Komite ang ika-18 Kongreso na Internal Rules of Procedures. 


Hinirang din nila ang mga chairpersons para sa sumusunod na limang sub-committees: Rep. Zia Alonto Adiong (1st District, Lanao del Sur) para sa Sub-Committee on Disaster Preparedness; Rep. Yasser Alonto Balindong  (2nd District, Lanao del Sur) para sa Sub-Committee on Disaster Prevention and Mitigation; Rep, Francisco Jose Matugas (1st District, Surigao  del Norte) para sa Sub-Committee on Disaster Response; Rep. Emmarie Ouano-Dizon (Lone District, Mandaue City) para sa Sub-Committee on Rehabilitation and Recovery; at Rep. Dale Corvera (2nd District, Agusan del Norte) para sa Sub-Committee on Oversight. 

Nagsagawa rin ng briefing ang lupon sa mga ahensyang miyembro ng Disaster Coordinating Council, sa kanilang mga plano at programa hinggil sa mga pagtugon sa mga sakuna, rehabilitasyon at pagbawi. 

Ang mga ahensya ng pamahalaan na ito ay kinabibilangan ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), Office of Civil Defense-Department of National Defense (OCD-DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Science and Technology (DOST), National Economic and Development Authority (NEDA), National Housing Authority (NHA), at Department of Public Works and Highways (DPWH). 

Iprinisinta ni OCD-DND Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV ang pinakabagong National Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Framework and Plan for 2020 - 2030. 

Aniya, ang balangkas na ito ay naglalarawan ng mga prayoridad ng bansa at pangako, kabilang na ang pagtutok sa risk centrality at diskarte sa lahat ng panganib. 

Samantala, tinalakay ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. ang mga inisyatiba sa pag-iwas at pagpapagaan ng NDRRMC. 

Sinabi niya sa lupon na ang pag-iwas ay tumutukoy sa pag-unawa sa mga panganib, pagkakaroon ng akses at paggamit ng mga datos, kabilang na ang paggamit ng siyensa sa risk reduction at management work mula sa pagtataya hanggang sa maagang aksyon sa pagbabala. 

Samantala, hinimok ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang NEDA na repasuhin ang Marawi Rehabilitation and Recovery Program (MRRP), dahil sa wala pa umanong pangunahing serbisyo sa lugar, tulad ng kuryente at tubig. 

Ang NEDA ay ahensyang miyembro na nangangasiwa ng pagpapaunlad ng post-disaster Rehabilitation and Recovery Programs (RRP). 

Gayundin, hinimok ni Iligan City Rep. Celso Regencia ang Komite, kasama ng mga ahensyang miyembro, na magsagawa ng masinsinang pagsisiyasat, o pagtataya sa tunay na kalagayan ng rehabilitasyon ng Lungsod ng Marawi.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento