Miyerkules, Setyembre 14, 2022

NAAPEKTUHANG INFORMAL SETTLER FAMILIES NG NORTH-SOUTH COMMUTER RAILWAY PROJECT, MAKAKAASA NG RENTAL SUBSIDY

Makaasa ng “rental subsidy” ang informal settler families o ISFs na maaapektuhan ng North-South Commuter Railway project.


Ito ang sinabi ni Transportation Usec. Cesar Chavez, sa briefing ng House Committee on Appropriations nang matanong ni ACT Teachers PL Rep. France Castro kung naresolba na ba ang relokasyon ng mga ISF na tatamaan ng proyekto.


Ayon kay Chavez, magsisimula na ang konstruksyon ng proyekto sa 2023. Marami na rin aniya ang na-relocate na ISFs sa iba’t ibang lugar.


Dito na rin sinabi ni Chavez na mamimigay ang gobyerno ng “interim rental subsidy” para sa ISFs.


Ito ay bibigay sa pamamagitan ng ATM, na ang laman ay P5,000 hanggang P10,000 kada buwan at tatagal ng 18-buwan.


Kwalipikado rito ang mga ISF na naghihintay pa na mailipat sa relocation sites hanggang sila ay tuluyan nang mailipat.


Pero ayon kay Castro, may mga hindi ISF na matatamaan din ng proyekto o sariling bahay at lupa nila. May mga reklamo rin na binabarat daw ang mga residente pagdating sa halaga ng dapat ibayad sa kanila.


Sagot ni Chavez, batay sa patakaran ng Asian Development Bank o ABD sa pakikipag-kasunduan sa pamahalaan ay dapat bayaran ang halaga ng mga ari-arian na maaapektuhan o gigibain dahil sa proyekto.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento