Huwebes, Setyembre 15, 2022

PAGDINIG SA P666.25-B PANUKALANG BADYET NG DEPED, TAPOS NA SA KOMITE NG APPROPRIATIONS

Tinapos ngayong Miyerkules ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list, AKO BICOL) ang pagdinig sa panukalang P666.25-bilyon badyet ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), para sa taong 2023. 


Ipinangako ni Co na pagsisikapan ng Kongreso na maitaguyod ng DepEd ang kaunlaran ng sektor ng edukasyon. “We must help our students catch-up after the two-year pandemic. 


We must help our communities build better and more school facilities that are disaster-resilient. And we must show gratitude to our teachers by giving them adequate compensation,” aniya. 


Nagpahayag ng ganap na suporta si Senior Vice Chairperson Stella Luz Quimbo (2nd District, Marikina City) sa DepEd. Pinuri niya rin ang “bold and wise” na hakbang ng ahensya na ibalik ang face-to-face classes ngayong taon. 


Para kay Vice President and Education Secretary Sara Duterte, kanyang tiniyak na ginagawa ng DepEd ang mga kinakailangang hakbang, upang matiyak ang ligtas na muling pagbubukas ng mga in-person classes. 


Ilan sa mga pagsisikap na ito ay ang masinsinang pakikipag-ugnayan sa Kagawaran ng Kalusugan (DOH), para sa pagbabakuna ng mga mag-aaral at mga kawani ng paaralan. 


Alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., idinagdag niya na isusulong ng DepEd ang mga bagong solusyon upang matugunan ang mga usaping nararanasan ng basic education. 


Kabilang ang konstruksyon ng mga bagong silid-aralan at pagkuha ng mga dalubhasang mga guro, ay determinado ang DepEd na mamuhunan sa sa mga flexible learning options sa susunod na anim na taon, ayon kay Vice President Duterte. 


Samantala, binanggit ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla na bagamat tumaas ang alokasyon ng DepEd sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program ng P75-bilyon kumpara sa 2022 pambansang badyet, ay mas mababa pa rin ito sa inisyal na panukala na P810.41 bilyon. 


Ipinaliwanag ni Sevilla na mas malaking pondo pa ang kailangan dahil sa face-to-face classes sa 2023. 


Binanggit niya rin na ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng badyet ay: 1) school-based feeding program; 2) Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GATSPE); at 3) rehabilitasyon ng mga gusaling Gabaldon ng mga paaralan. Matapos ang mabilis na pagdinig, ay ihahain na ang panukalang badyet ng DepEd sa deliberasyon sa plenasyo, na iisponsoran ni Vice Chairperson Rep. Maria Carmen Zamora (1st District, Davao de Oro).

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento