Magpapatawag ng imbestigasyon ang House Committee on Natural Resources sa pagkasira at pagka-kalbo ng Sierra Madre at mahanapan ng solusyon para ito ay maprotektahan.
Ayon kay Congressman Elpidio Barzaga Jr., chairman ng komite, panahon nang protektahan ang Sierra Madre Mountains para maiwasan ang grabeng pagbaha kapag may mga malalakas na bagyo gaya ng nagdaang super typhoon Karding.
Sa resolusyon ni Barzaga, pinatutukoy kung may mga aktibidad gaya ng illegal logging, gold mining, limestone mining, quarrying, deforestation at dam construction sa naturang lugar.
Sabi ni Barzaga, dapat din magpaliwanag ang DENR kung naisyuhan ng permit at pinayagan ang mga nabanggit na operasyon dahil malinaw na hindi kinunsidera ang environmental impact nito.
Tinatawag na “backbone of Luzon” ang Sierra Madre Mountains na siyang “longest mountain range” sa Pilipinas.
Mahalaga ang papel ng Sierra Madre Mountains dahil ito ang nagsisilbing “natural shield” laban sa mga bagyo at baha mula sa Pacific Ocean.
Ang watershed nito ang sumusuporta sa water system ng Luzon, Cagayan Valley at Metro Manila.
Sabi ni Barzaga, naging proteksiyon ang Sierra Madre Mountains sa paghagupit ng super typhoon Karding, bagyong Ompong noong 2018 maging ng mga bagyong Lawin at Karen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento