Biyernes, Setyembre 16, 2022

PAGTALAKAY SA 2023 PANUKALANG BADYET NG NCIP, TINAPOS NA NG LUPON NG APPROPRIATIONS

Tinapos na ngayong Biyernes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list, AKO BICOL), ang pagtalakay sa panukalang badyet ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). 


Ayon kay Committee on Appropriations Senior Vice Chair at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, ipinagpaliban ng lupon ang badyet ng NCIP noong nakaraang linggo dahil umano sa pakikialam ng Komisyon sa mga aktibidad na hindi naman kabilang sa kanilang mandato, gamit ang kanilang napakaliit na pondo. 


Sinabi ni Quimbo na ang mandato ng NCIP ay protektahan at isulong ang kapakanan ng mga katutubo (IPs), at ang mga indigenous cultural communities (ICC).


"The NCIP administers programs like the ancestral domain, land recognition, educational assistance program to IPs students as well as legal services to ICCs and IPs,” aniya. 


Sa kanyang mensahe, sinabi ni NCIP Chairman Allen Capuyan na nagpadala sila ng opisyal na liham sa Kapulungan ng mga Kinatawan, at kanilang nilinaw ang mga usapin hinggil sa salungat na mandato. 


Ang 2023 panukalang badyet ng NCIP ay P2.8-bilyon, subalit sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP), ang inirekomendang badyet ay P1.468-bilyon. Sinabi ni Rep. Rufus Rodriguez (2nd District, Cagayan de Oro City) na ang binawasang badyet ay nagpapakita ng kapabayaan at hindi pagpansin ng pamahalaan sa mga IPs. 


Sa kanyang tugon sa katanungan ni Rep. Mark Go (Lone District, Baguio City) hinggil sa kung anong mga programa ang maapektuhan sa nabawasang badyet, sinagot ni Capuyan na ang labis na maaapektuhang aktibidad ay ang programa sa delineasyon ng ancestral domain. 


Aniya, kanilang iminumungkahi ang karagdagang halaga na P700-milyon. Nagpahayag si Go ng suporta sa hiling ng NCIP para sa karagdagang badyet.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento