Lunes, Setyembre 12, 2022

PINABULAANAN NG DOH ANG DIUMANO AY LEAKAGE NG PERSONAL NA IMPORMASYON NA NAGMULA SA CONTACT TRACING

Hindi naniniwala si Department of Health o DOH Officer-in-Charge Ma. Rosario Vergeire na ang umano’y “leakage” ng mga personal na impormasyon ay nagmula sa “contact tracing” ng pamahalaan.


Ang pahayag ni Vergeire ay tugon sa tanong ni Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan kaugnay sa talamak na text spam at scams na ngayon ay “personalized” na dahil may pangalan na ng mobile users.


Sa budget briefing ng House Committee on Appropriations, sinabi ni Vergeire na hindi nila nakikita na ang text spam o scams ay “cause o factor” mula sa contact racing system ng gobyerno.


Ang naturang application aniya ay sinuri naman ng Department of Information and Communications Technology, at Data Privacy Commission.


May mga kondisyon at mga requirement din aniya sa mga partikular na lokal na pamahalaan para ma-establish ang kani-kanilang contact tracing applications.


Kaya ani Vergeire, hindi siya kumbinsido na ang leakage ng mga personal na impormasyon ay nanggaling sa contact tracing efforts ng pamahalaan.


Matatandaan na inilunsad ang contact tracing, noong pumutok ang COVID-19 pandemic, kung saan sasagot sa form, at ilalagay ang pangalan, numero at address.


Kamakailan, may ilang mambabatas ang naghinala na ang contact tracing app ang maaaring source ng serye ng text spam at scams.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento