Lunes, Oktubre 03, 2022

PAGDIRIWANG NG HREP MONTH 2022, PINASIMULAN SA PAMAMAGITAN NG FLAG RAISING CEREMONY

Nagsagawa ng flag-raising ceremony ang mga mambabatas, opisyal ng secretariat, at mga kawani, gayundin ang mga congressional staff ng Kapulungan ng mga Kinatawan ngayong Lunes, upang simulan ang isang buwang serye ng mga aktibidad sa pagdiriwang ng HRep Month 2022, na may temang “One House, One Voice." 


Pinangasiwaan ng Tanggapan ng Secretary-General, sa pamumuno ni Secretary General Reginald Velasco, ang flag-raising ceremony, si House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe ang nagsilbing espesyal na panauhin ng kaganapan. 


Sa kanyang inspirational message, pinasalamatan ni Dalipe ang secretariat at mga congressional staff ng Kapulungan, na dahil sa kanilang pagsusumikap at suporta ay malaki ang kanilang nagampanan sa tagumpay ng Ika-19 na Kongreso. 


Binanggit niya ang mahabang oras ng trabaho sa nakalipas na anim na lingo, kahit sa gitna ng pandemya ay nagbunga ng nararapat na pagpasa ng makabuluhang 2023 General Appropriations Bill (GAB). 


“Your dedication has made it possible for us to approve next year’s national budget and several other important bills. Maraming salamat for ensuring that we meet the deadline," aniya. 


Bagama't inamin ni Dalipe na hindi madali ang magiging trabaho, iginiit niya na ang Kapulungan ay maaasahan na aprubahan ang mga prayoridad na panukala nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na nakatuon sa paglilingkod sa mamamayang Pilipino. 


“With your dedication, expertise, and work ethics, I am sure that we will continue to fulfill our mandate to uplift the lives of our fellow Filipinos and to promote the nation’s best interest,” aniya. 


Ayon pa kay Dalipe, hindi pa rin nagtatapos ang trabaho kahit sila ay nasa recess, dahil pinahintulutan ng liderato ng Kapulungan ang lahat ng Komite na magsagawa ng mga pagpupulong at pampublikong pagdinig.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento