Pinagsama-sama at inaprubahan ng Komite ng Higher and Technical Education sa Kamara na pinamumunuan ni Baguio City Rep. Mark Go, ang dalawang panukalang batas na nag-uutos sa mga higher education institution (HEIs), na isama sa kanilang mga asignaturang itinuturo ang mga kwento at mga katotohanan tungkol sa kasaysayan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ito ang House Bill 933 na ipinanukala ni Pasig City Rep. Roman Romulo, at HB 4157 ni Northern Samar Rep. Harris Christopher Ongchuan.
Sa kanyang pag-isponsor ng panukala, sinabi ni Roman na sa wakas, ay magkakaroon na ng mga kuwento tungkol sa kahanga-hangang kagitingan at pambihirang katangian ng mga Pilipino, sundalo, gerilya at mamamayan, noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ayon kay Romulo, ang kasalukuyang kurikula ng kasaysayan ay naglalaman ng iilang mga kuwento tungkol sa kabayanihan ng mga Pilipino noong WW II.
“But when we talk or sit down with our Veterans Affairs Committee, there are many stories there being told by Philippine Veterans Affairs Office Administrator Ernesto Carolina, maraming events during World War II na kung saan ang bida ay Filipino,” aniya.
But if one reads the history, “karamihan po diyan kahit nangyari dito sa Pilipinas, ang main characters ay mga dayuhan,” pagbibigay-diin ni Romulo. Inaprubahan din ng Komite ang kaukulang ulat ng Komite.
Samantala, ipinagpaliban ng Komite ang aksyon sa HB 1724, na mag-uutos sa sapilitang pagtuturo ng mga asignaturang etika sa tersyaryong edukasyon sa Pilipinas.
Ito ang naging mosyon ng may-akda ng panukalang batas na si Laguna Rep. Ruth Mariano-Hernandez, habang nakabinbin ang pagsusumite ng pinal na pagsusuri/pagtataya na ginawa ng Commission on Higher Education (CHED) tungkol sa pagpapatupad ng mga asignaturang etika sa mas mataas na edukasyon.
Sinabi naman ni CHED Chairman Prospero de Vega na mayroon nang tatlong yunit na kurso sa etika sa programang pangkalahatang edukasyon.
Ipinagpaliban din ng Komite ang deliberasyon sa HB 4350 ni 4PS Rep. Jonathan Clement Abalos II.
Ang panukalang batas ay mag-uutos ng pagsasama ng isang wikang banyaga maliban sa Ingles, bilang isang elektibong kurso sa kurikula ng mas mataas na edukasyon.
Humiling si Abalos ng mga dokumento hinggil sa rekomendasyon ng CHED, pagdating sa paglikha ng kurikula tungkol sa wikang banyaga na madaling makakapasok sa trabaho ang mga mag-aaral, at mga datos na nauukol sa kung paano sinusukat ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng edukasyon, tulad ng katangian ng mga pagsusulit at pagkakapantay-pantay sa mga antas para sa paglikha ng nasabing kurikula, upang mapagbuti ang panukalang batas.
Bago pa ang deliberasyon sa mga nasabing panukalang batas, nauna nang binanggit ni Go ang mga nagawa ng Komite, lalo na ang pag-apruba ng 42 panukalang batas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento