Miyerkules, Setyembre 14, 2022

CONFIDENTIAL FUND NG DEPED, DINEPENSAHAN NI VP SARA SA KOMITE SA KAMARA

Dinepensahan ni Vice Pres. At Education Sec. Sara Duterte ang “confidential fund” ng Department of Education o Deped, sa susunod na taon.


Sa briefing ng House Committee on Appropriations, inungkat at inusisa nina Kabataan PL Rep. Raoul Manuel at Gabriela PL Rep. Arlene Brosas ang confidential fund ng Deped na nagkakahalaga ng P150 million, sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program o NEP.


Paliwanag ni VP Duterte, ang confidential funds ay magagamit sa iba’t ibang isyu at hamon na kinaharap ng sektor ng edukasyon, na ngayon ay laman ng mga balita.


Kabilang sa kanyang tinukoy ay ang “sexual grooming” sa mga estudyate ng kanilang mga kaibigan o guro, recruitment sa terorismo o insurhensya at iba pang ilegal na krimal aktibidad, “active shooter copycats” at katulad, mga isyu ng droga ng Deped personnel at iba pa.


Giit ni Duterte, ang tagumpay ng proyekto at programa ay nakadepende sa mahusay na “surveillance at intelligence.”


Dagdag ni Duterte, hindi matatarget kung sino-sino ang dapat tugunan kapag hindi nakakalap ng “credible” na intelligence at surveillance sa mga problema na gustong solusyunan sa loob ng Deped at sektor ng edukasyon.


Paalala niya, may mandato ang Deped na magbigay ng de-kalidad na basic education sa mga estudyante, at ito ay may kinalaman din sa national security.

ThinkExist.com Quotes