Martes, Setyembre 13, 2022

MGA PANUKALANG MAGTATATAG NG MEDICAL SCHOOLS SA IBA'T IBANG BAHAGI NG BANSA, APRUBADO

Inaprubahan ngayong Lunes ng Komite ng Higher at Technical Education ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Baguio City Rep. Mark Go, batay sa istilo at mga amyenda, ang mga panukala na naglalayong magtatatag ng mga medical schools sa ilang unibersidad sa bansa. 


Ito ay: House Bill 312 na inihain ni Rep. Eric Go Yap (Lone District, Benguet); HB 973 ni Rep. Rufus Rodriguez (2nd District, Cagayan de Oro City); HB 2479 ni Rep. Daza (1st District, Northern Samar); HB 2541 ni Rep. Keith Micah “Atty. Mike” Tan (4th District, Quezon); at HB 2807 ni Rep. Dante Garcia (2nd District, La Union). 


Ang HB 312 ay layong magtatag ng isang kolehiyo ng medisina sa Benguet State University sa La Trinidad, Benguet na makikilala bilang "Benguet State University College of Medicine". 


Samantala, ang HB 973 ay magtatatag ng kolehiyo ng medisina sa University of Science and Technology of Southern Philippines – Cagayan de Oro City Campus in Cagayan de Oro City, Misamis Oriental na tatawaging “University of Science and Technology of Southern Philippines-College of Medicine”. 


Ang HB 2479 ay magtatatag ng isang medical school sa University of Eastern Philippines (UEP) sa Catarman, Northern Samar na tatawaging "UEP College of Medicine". 


Ang HB 2541 ay magtatatag ng isang medical school sa Southern Luzon State University (SLSU) Main Campus sa Lucban, Quezon na tatawaging “Southern Luzon State University – College of Medicine. Panghuli, ang HB 2807 ay magtatatag ng kolehiyo ng medisina sa Don Mariano Marcos Memorial State University na tatawaging "Don Mariano Marcos Memorial State University College of Medicine". 


Sinabi ni Go na may karagdagang probisyon na isasama sa mga panukalang batas, partikular ang pagsunod sa lahat ng pamantayan, prinsipyo, at alituntunin ng Commission on Higher Education (CHED) sa mga ibibigay ng kolehiyo ng medisina sa iba't ibang bahagi ng bansa. 


“We don’t just offer this college of medicine in all parts of the country to have more doctors. I think we want to produce quality doctors,” ani Go. 


Inaprubahan din ng Komite ang mga Ulat ng Komite sa mga substitute bill sa HB 1693; HB 2625; HB 2351; HB 979; HB 45; HB 442; at HB 730 na naaprubahan noong mga nakaraang pagpupulong.

ThinkExist.com Quotes