PANUKALA SA REHISTRASYON NG SIM CARD, APRUBADO SA IKALAWANG PAGBASA
Inaprubahan ngayong Miyerkules sa Kapulungan ng mga Kinatawan, sa ikalawang pagbasa ang House Bill 14, na naglalayong iparehistro ang lahat ng Subscribe Identity Module (SIM) cards.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Committee on Information and Communications Technology Chairperson at Navotas City Rep. Tobias Reynald Tiangco, na ang malaking bilang ng mga prepaid mobile subscriptions sa bansa ay nagiging daan sa oportunidad ng panlilinlang ng mga taong manloloko, kasama na ang mga gawaing kriminal ng mga terorista at rebelde.
Idinagdag niya na ang walang pagkakakilanlang prepaid SIM cards ay nagdudulot ng labis na banta sa pagpapatupad ng batas, mga bangko at pinansyal na pandaraya, kidnapping, sexual exploitation, cybertheft, at iba pang kahalintulad na krimen. Ito ay dahil sa hindi natutunton ang mga disposable prepaid SIM cards.
Ayon kay Tiangco, ang tumataas na bilang ng mga text scams ay naglalagay sa panganib sa mga taong madaling maloko ng mga cyber criminals.
Dahil dito, ang panukalang “SIM Card Registration Act” ay naglalayon na irehistro ng mga gumagamit, at magprisinta ng may bisang identification document na may larawan, na magpapatunay sa pagkakakilanlan ng bumibili ng SIM card, mula sa mga public telecommunication entities (PTE), o mga direktang nagbebenta.
Matapos na maberipika, ang mga bumibili ay kailangang isulat ang kanilang buong pangalan at lagdaan ang isang control-numbered registration form.
Isasaad rito ang: “Failure to of an end user to comply with the requirements shall be a ground for the PTE or direct seller to refuse the sale and issuance of a SIM card.”
Layon ng panukala na makatulong na: 1) maiayos ang bentahan at distribusyon ng SIM cards; 2) isulong ang pananagutan ng mga guamagamit; 3) iwasan ang mga kumakalat na scam at paglabag sa mga datos; at 4) matulungan ang mga nagpapatupad ng batas na maresolba ang mga krimen na may kaugnayan sa paggamit ng mobile phones.
Ang HB 14 ay pangunahing iniakda nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, at TINGOG Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre.
Ito ay pinagsama-samang 16 na magkakatulad na panukala, at pasado na ito sa ikatlong pagbasa noong ika-18 Kongreso.
Ang hybrid na sesyon ay pinangunahan nina Deputy Speakers Raymond Democrito Mendoza at Kristine Singson-Meehan.
0 Comments:
Mag-post ng isang Komento
<< Home