Lunes, Oktubre 03, 2022

KAMARA, NAGING MAKAKALIKASAN SA E-JEEPS

Bilang bahagi ng mga aktibidad na nakalatag para sa pagdiriwang ng HRep Month 2022, ay nakipag partner ang Engineering and Physical Facilities Department ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Deputy Secretary General Floro Banaybanay sa Prime Distribution Trading Corp. upang patakbuhin ang electric jeepneys sa loob ng Batasan Complex. 


Ayon kay Engineering and Physical Facilities Bureau Executive Director Engr. Renato Dela Torre, ilan lamang ito sa mga inisyatiba ng Kamara upang mas maging eco-friendly. 


Sa isang panayam, sinabi niya na sinimulan na ng Kamara ang konstruksyon ng mga tulay na magdudugtong sa mga gusali na nasa loob ng Batasan, kung saan ay nakararanas ang mga bisitang limitado lamang ang akses, ng kahirapan sa paglalakad ng malayo lalo na sa katanghalian, o kaya ay pag umuulan. 


Bilang “House of the People,” ang Kapulungan na pinamumunuan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay naghahangad na mapaglingkuran ang mga nasasakupang Pilipino, kahit man lamang sa kanilang pagbisita sa kanilang mga kinatawan. 


Binanggit ni Dela Torre na sumang-ayon ang Prime na mag-alok ng libreng sakay, para sa buong buwan ng Oktubre kapalit ng pagpapakita ng kanilang mga sasakyan sa mga mambabatas na interesadong bumili ng mga ito, para sa kanilang mga distrito. 


Samantala, binanggit niya na ang Kapulungan, sa pamamagitan ng Engineering Department, ay pinaprayoridad ang pagbili ng mga e-jeepneys, gayundin ang e-buses, na gagamitin ng Kapulungan bilang mga shuttle services.

ThinkExist.com Quotes