Lunes, Oktubre 03, 2022

PAG-AMIYENDA SA DANGEROUS DRUGS ACT OF 2002, NAPAPANAHON NA AYON SA ISANG MAMBABATAS

Naniniwala si House Committee on Dangerous Drug Chairman at Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers na napapanahon na para amyendahan ang RA 9165 o ang Dangerous Drugs Act of 2002.


Sa isang panayam kay Cong. Barbers, kaniyang sinabi na kasalukuyang pinag-aaralan na ng kaniyang komite ang mga dapat na amyendahan na probisyon ng nasabing batas.


Sinabi ng mambabatas, dapat ang baguhin ang mga probisyon sa nasabing batas na may matalim na ngipin na magpaparusa sa mga drug offenders.


Mahalaga din na magkaroon ng ngipin ang mga law enforcers at maging ang prosecution kaugnay sa pagdinig sa kaso ng iligal na droga.


Batay kasi sa report ng Department of Justice (DOJ) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nasa 80% ng mga drug cases na kanilang naisampa sa korte ay nadi-dismiss lamang dahil sa technicality.


Paliwanag ng mambabatas pag ganito ang sistema na nadi-dismiss ang mga kaso laban sa mga drug suspects sayang ang effort ng mga otoridad.


Sa kabilang dako, binigyang-diin ni Barbers na on track pa rin ang kampanya laban sa illegal drugs ng Marcos Jr. administration.


Aniya, kaliwat kanan ang isinasagawang anti-illegal drug operation ng PDEA, PNP at NBI.


Siniguro naman ni Barbers ang kaniyang suporta sa mga law enforcement agency sa kampanya laban sa iligal na droga. 


"Gaya ng nabanggit ng ating Pangulo na pinagpapatuloy niya itong giyera kontra sa iligal na droga sa ibang estilo. Alam mo ang bawat Pangulo ay may kaniya-kaniyang istilo at istratehiya but ang maganda rito ay hindi nahinto itong giyera kontra sa droga bagkus iba lamang po ang approach, yan ang isang magandang development para sa atin na hindi natin papayagan na ang ating bansa na maging isang narco state na kung saan talamak at parang normal na ang droga sa ating bansa," wika ni Barbers.


Samantala, ibinunyag ni Barbers na magandang development naman sa hanay ng mga law enforcement agencies dahil inaprubahan na ng Kamara ang proposed 2023 budget ng PDEA at PNP Drug Enforcement Group lalo na ang gagawing procurement para sa kanilang mga kagamitan, isa na dito ang mga body worn cameras.


"Naiintindihan naman natin na yung kanilang mga requirements ay hindi naman natin agad-agad na mapupunuan o mabibili yung kanilang mga kagamitan na kinakailangan pero I would honestly say na sapat naman ang naibigay o na-allocate sa kanila na 2023 budget na kung saan malaking tulong na ito sa kanilang mandato na siguraduhin na wala ng drugs kumakalat sa ating mga lansangan," dagdag pa ni Barbers.

ThinkExist.com Quotes