Inaprubahan ngayong Martes ng Komite ng Public Order and Safety sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez ang House Bill 3515, na naglalayong amyendahan ang Republic Act 9263, o ang "Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Professionalization Act of 2004," na dati ng na-amyendahan. Ang panukalang batas ay iniakda ni Antipolo City Rep. Romeo Acop.
Sa paliwanag na nakasaad sa panukalang batas, sinabi ni Rep. Acop na ang isang itinakdang pagsasanay upang maging kwalipikado ang mga bumbero sa Emergency Medical Services (EMS) at bilang Certified First Responders ay higit na magpapalakas sa BFP.
Bukod dito, binanggit din niya na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Fire Code of the Philippines ay hindi nagpapataw ng anumang pamantayan sa uri at kalidad ng EMS, at iba pang kaugnay na pagsasanay sa pagtugon sa krisis. Inaprubahan din ng Komite ang HB 2808, na naglalayong magtatag ng himpilan ng bumbero sa Barangay 649 sa Baseco, Manila. Ang panukalang batas ay iniakda ni Manila Rep. Irwin Tieng.
Ipinahayag naman ni BFP C/Supt. Jesus Fernandez na sakop na ng RA 11589 o ang "Bureau of Fire Protection Modernization Act," ang pagtatayo ng mga himpilan ng bumbero. Iminungkahi niya kay Tieng na pormal siyang sumulat sa kanilang hepe ng mga bumbero, para sa agarang pagsasaalang-alang sa pagtatayo ng himpilan ng bumbero sa kanilang lugar. Unang tinalakay ng Komite ang HBs 3656, 3516, 3751, 4078, 1242 at 3605, na naglalayong magbigay ng istraktura ng ranggo at muling pag-uuri sa BFP at BJMP.
Gayundin, sinimulan ng Komite ang deliberasyon ng HBs 3619 at 3661, na naglalayong ilipat ang National Fire Training Institute mula sa Philippine Public Safety College patungo sa BFP; HB 851, na naglalayong magbigay ng karagdagang pondo para sa BJMP, at HB 3617 na naglalayong hindi na pagbayarin ng mga buwis at mga bayarin ang mga ahensya ng pamahalaan, kawanihan, o instrumentalidad sa mga fire sprinkler, para sa mga pampublikong gusali at pasilidad.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento