Miyerkules, Setyembre 14, 2022

RESOLUSYON NA HUMIHIMOK NG ISANG MOA SA PAGITAN NG DPWH AT DEPED NA GUMAWA NG ISANG DISASTER RESILIENT MASTER DESIGN PARA SA MGA PAARALANG BAYAN SA MGA LUGAR SA BAYBAYIN, INAPRUBAHAN

Pinagtibay ngayong Martes ng Komite ng Basic Education and Culture sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo ang House Resolution 289, na humihimok sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Education (DepEd) na pumasok sa isang interdepartmental memorandum of agreement, para sa pagtatatag at pagpapatupad ng disaster resilient master design at planong arkitektural para sa lahat ng elementarya, at sekondaryang paaralan sa mga lugar sa baybayin ng bansa. 


Ayon kay Dinagat Islands Rep. Alan 1 Ecleo, may-akda ng panukala, na makakamit nito ang layunin ng mga paaralang matatatag sa panahon ng kalamidad, at magbibigay sa bansa ng mahalagang imprastraktura, na magsisilbing ligtas na kanlungan at matatag sa mga kalamidad. 


Inaprubahan din ng Komite, batay sa istilo, ang dalawang panukalang batas na inihain ni Zamboanga del Sur Rep. Divina Grace Yu. Ito ay ang House Bill 940 at HB 942 na maghihiwalay sa Tukuran Technical-Vocational High School-Baclay Extension mula sa Tukuran Technical-Vocational High School at sa Sapa Anding National High School - Ramon Magsaysay Extension mula sa Sapa Anding Agricultural Vocational Technical School, na parehong nasa Zamboanga del Sur, at gawin ang mga ito bilang independiyenteng pambansang mataas na paaralan na kikilalanin bilang Baclay National High School at Ramon Magsaysay National High School, ayon sa pagkakabanggit. 


Pinagtibay din ng Komite ang HB 2081, HB 2083 at HB 2800. Ang tatlong panukala ay iniakda ni Davao Occidental Rep. Claude Bautista.  


Babaguhin ng HB 2081 at HB 2083 ang Bukid Elementary School at Kidaman Elementary School, kapwa sa Munisipyo ng Jose Abad Santos, Davao Occidental, bilang pinag-isang paaralan na tatawaging Bukid Integrated School at Kidaman Integrated School, ayon sa pagkakabanggit.  


Samantala, ang HB 2800 ay magtatatag ng isang pambansang mataas na paaralan sa Barangay Bolila, Malita, Lalawigan ng Davao Occidental na kikilalanin bilang Bolila National High School.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento