Miyerkules, Setyembre 14, 2022

MODERNO AT MABISANG SISTEMA NG TRANSPORTASYON SA ILALIM NG 2023 PANUKALANG BADYET NG DOTr, ISUSULONG NG MGA MAMBABATAS

Nag briefing ngayong Martes ang mga opisyal ng Kagawaran ng Transportasyon (DOTr) sa Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list, AKO BICOL), sa kanilang panukalang P167.12-bilyong badyet para sa 2023. 


Sa kanyang pambungad na mensahe, iginiit ni Co ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA), na iprayoridad ang pagmomoderno sa sistema ng transportasyon ng bansa. 


Idinagdag ni Co na ang sektor ng transportasyon ay labis na napakahalaga sa paglago ng agrikultura, kalusugan, turismo, at ng buong ekonomiya ng Pilipinas. 


“As the world faces another global crisis due to climate change, it is imperative that our transport systems are modern, environment-friendly, inclusive, and sustainable,” aniya. 


Para kay Committee Senior Vice Chairperson Rep. Stella Luz Quimbo (2nd District, Marikina City), kanyang binigyang-diin ang pangangailangan ng bansa na tiyakin ang mga hakbangin para makaahon sa pagkakalugmok ng ekonomiya sanhi ng pandemya. “It is important to have efficient transport systems that bring workers to their workplace, deliver commodities to consumers, and ensure the smooth flow of trade,” aniya. 


Sa isinagawang presentasyon ng badyet, binanggit ni DOTr Secretary Jaime Bautista na ang ahensya ay naglaan ng pinakamalaking pondo para sa kanilang ipinanukalang capital outlay, na magtitiyak na ang mga proyektong imprastraktura para sa riles, aviation, maritime, at sektor ng lansangan ay maayos na mapopondohan. 


Kaugnay nito, iniulat ni DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor na ipagpapatuloy ng DOTr ang pag-aalok ng karagdagang suporta sa mga tsuper sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), sa pamamagitan ng pag-aalok ng ayudang pinansyal at kabuhayan, at iba pa. 


Ang PUVMP ang siyang makakatulong sa pagtugon ng “on-street competition” sa pamamagitan ng rasonalisasyon ng mga ruta. Ibinunyag ni Pastor na ang DOTr ay humahanap ng paraan tulad ng mga tulong mula sa mga bangko, upang mapaunlad ang kanilang special loan programs para sa mga tsuper at operators, na kailangang makabili ng mga bagong jeepneys. 


Samantala, hinihiling ni Rep. Eric Martinez (2nd District, Valenzuela City), pangunahing isponsor ng badyet ng DOTr ang isang sistema ng transportasyon na, “simple, with speed, and with utmost service to the people.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento