Tinapos ngayong Biyernes ng Komite ng Appropriations ng Kapulungan ng Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang pagtalakay sa panukalang P13.813-bilyon badyet ng Commission on Audit (COA) para sa 2023. Sa pagsisimula sinabi ni Senior Vice Chair at Marikina City Rep. Stella Quimbo na ang COA ay pangunahing katuwang ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa ilalim ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, sa pagtiyak na ang bawat sentimo ng badyet ay maingat na ginagastos.
Hinimok ni COA OIC-Commissioner Roland Cafe Pondoc ang Komite na sana ay ibalik ang kanilang panukalang badyet, lalo sa kanilang Personnel Services (PS) at Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE).
Aniya, ang kanilang PS-approved budget ay P12.467-bilyon kumpara sa hinihingi nilang pondo na P13.248-bilyon, na may pagkakaiba na P781.455-milyon. Iminungkahi nila ang MOOE na P911.188-milyon ngunit nabigyan lamang ng P643.17-milyon o bumaba ng P268.02-milyon.
Paliwanag niya, ito ay dahil sa CY 2021 COA restructuring, na nagpababa ng kanilang inaprubahang plantilla mula 14,102 hanggang 13,283.
Samantala, sa pagsisiyasat, hiniling ni BH Rep. Bernadette Herrera na imbestigahan ng COA ang hindi nagamit na P98-milyong halaga na mga laptop sa Department of Information and Communications Technology (DICT), at ipagbigay alam sa Kongreso para matugunan ang naturang sitwasyon, na inilarawan niya bilang isang posibleng pag-aaksaya ng pondo ng pamahalaan.
Hinimok naman ni Rep. Joseph Stephen Paduano ang COA na bumalik para sa mga posibleng pag-amyenda, ilang artikulo, at probisyon ng Revised Penal Code, lalo na hinggil sa mga Crimes Committed by Public Officers.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento