Nagdaos ngayong Lunes ng briefing ang Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list, AKO BICOL), ang P301-bilyong panukalang badyet ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH), kabilang ang mga kalakip na ahensya at mga korporasyon, para taong 2023.
Kinikilala ni Co na patuloy na ginagampanan ng DOH ang kanilang di matatawarang papel, habang sila ay abala para makaahon sa ekonomiya.
“The health of our economy depends on the health of our people,” aniya.
Hinikayat ni Co ang mga kapwa mambabatas na suportahan ang DOH sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang ahensya ay may sapat na apropriasyon para mapondohan ang kanilang mga prayoridad na proyekto at programa.
Ayon kay Senior Vice Chairperson Rep. Stella Luz Quimbo (2nd District, Marikina City), kailangang iplano ng pamahalaan ang pangangailangan ng bansa sa kalusugan, kahit matapos na ang pagtugon sa pandemya.
Idinagdag niya na ang pagpapaginhawa sa kalidad ng serbisyo sa kalusugan sa Pilipinas ay titiyak ng isang malusog at mas produktibong manggagawa, upang makatulong sa paglago ng ekonomiya sa bansa.
Para kay Committee Vice Chaiperson at dating Kalihim ng DOH, Rep. Janette Garin (1st District, Iloilo), ay bingyang-diin niya ang kapakanan ng mga manggagawa sa kalusugan, na dapat ay unahin ng pamahalaan kung nais nitong mapalakas ang sistema sa pangangalaga ng kalusugan.
Sa kanyang presentasyon, binanggit ni DOH OIC Secretary Maria Rosario Vergeire na ang mga mahahalagang pondo na kailangan ng DOH sa kanilang panukalang badyet ay kinabibilangan ng: 1) operasyon ng mga DOH hospitals; 2) Health Facilities Enhancement Program; at 3) ayudang medikal sa mga mahihirap na pasyente.
Binanggit niya na aabot sa 75 porsyento ng badyet ng DOH at PhilHealth ay nakalaan sa Universal Health Care (UHC) Law, mga may kaugnayang pagsisikap sa COVID-19, at pagpapatatag ng mga sistema sa kalusugan.
Samantala, nagpahayag rin ng suporta ang mga mambabatas sa mga programa sa kalusugang pangkaisipan, diabetes, at dengue, at iba pa.
Si Quimbo ang tatayo bilang pangunahing isponsor ng DOH, sa panahon ng deliberasyon ng badyet sa plenaryo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento