Lunes, Setyembre 12, 2022

PCGG, PINABUBUWAG NA SA KAMARA

Ipinabubuwag ni Manila Rep. Bienvenido Abante sa Kongreso ang Presidential Commission on Good Government o PCGG.


Sa kanyang House Bill 4331, binanggit na ang PCGG ay itinatag ni dating Pang. Corazon Aquino sa pamamagitan ng pag-iisyu ng Executive Order no. 1 noong Feb. 1986, para marekober ang “resources” at iba pa na kinolekta ni dating Pang. Ferdinand Marcos Sr., kanyang pamilya, at “cronies" sa loob at labas ng bansa.


Pero sinabi ni Abante na makalipas ang higit 36-taon mula nang mabuo ang komisyon ay wala raw maituturing na “significant accomplishment” para ito ay magpatuloy pa.


Dagdag niya, isang malaking kahihiyan sa pamahalaan ang PCGG dahil matapos ang ilan dekada ay bigo ito na ma-establish kung ang “sequestered assets” ay “ill-gotten wealth” ba o hindi.


Naniniwala rin ang beteranong mambabatas na ang bigong matapatan ng “performance” ng PCGG ang taunang pondo at gastos nito.


Kaya, ani Abante, mainam nang lusawin ang PCGG upang makatipid at naaayon umano sa isinusulong na “rightsizing” ng gobyerno.


Nilinaw naman ng kongresista na kahit i-abolish ang PCGG ay hindi nangangahulugan na ang pag-rekober sa “plundered wealth” at kaugnay na aksyon ay hindi na itutuloy. Sa halip ay ililipat lamang sa ibang ahensya ang tungkulin ng komisyon.


Kapag naging ganap na batas, ang mga kapangyarihan at iba pang trabaho para sa imbestigasyon at prosekusyon ng mga kasong kriminal na hinahawakan ng PCGG ay ililipat sa Department of Justice o DOJ; habang ang mga civil case na may kinalaman sa management, administration at disposition ng assets at mga nasamsam na ill-gotten wealth ay ililipat sa Office of the Government Corporate Counsel.


Nakasaad pa sa House Bill na ang lahat ng sequestered na real at personal assets/properties maging ang mga dokumento, kontrata, rekords at katulad na nasa ilalim ng PCGG ay pahahawakan na sa Privatization Office ng Department of Finance.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento