Lunes, Setyembre 12, 2022

BAGSAKAN NG BAYAN MARKET SA BAWAT PROBINSIYA SA BANSA, IPINANUKALA SA KAMARA

Itinutulak ngayon ni Negros Occidental Rep. Jose Francisco Benitez ang panukalang pagkakaroon ng “Bagsakan ng Bayan Markets” sa bawat probinsya sa ating bansa.


Sa explanatory note, binanggit dito ang naging pahayag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address o SONA na palalakasin ang sektor ng agrikultura at nangako ng mas mataas na investment sa imprastraktura upang mapagtibay ang “agricultural value chain” na nagsisimula sa mga magsasaka hanggang sa mga mamimili. 


Naniniwala si Benitez na sa pamamagitan ng Bagsakan ng Bayan, masusuportahan ang lokal na industriya at mababawasan ang “wastage” o pagkasayang/pagkasira ng mga produktong-agrikultural.


At sa pagkakaroon din aniya ng mga Bagsakan ng Bayan, may “venue” na para sa mga magsasaka, mangingisda, at katulad para mailako o mailapit ang kani-kanilang produkto sa mga wholesalers, retailers at institutional buyers sa tamang presyuhan.


Kapag naging ganap na batas, ang Department of Agriculture o DA sa koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan ay magtatayo ng Bagsakan ng Bayan kung saan uubra ang bentahan ng iba’t ibang produktong-agrikultural gaya ng mga prutas, gulay, karne, manok, isda at iba pa.


Pwede rin ang mga non-perishable na produkto, pero hindi dapat lumagpas ng 30% ng kapasidad ng Bagsakan ng Bayan.


Nakasaad pa sa House Bill na ang Bagsakan ng Bayan ay kailangang mayroong sapat na pasilidad at imprastraktura tulad ng warehouse o bodega, ripening room, cold storage, lugar para sa sorting at grading at iba pa.


Pinapopondohan naman ito ng P25 billon sa inisyal na implementasyon, habang isasama na sa taunang budget ng DA para maipagpatuloy ito sa mga susunod na taon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento