Miyerkules, Oktubre 26, 2022

BOLUNTARYO NA LAMANG NA PASUSUOT NG FACE MASK, SUPORTADO SA KAMARA

Sinuportahan ni Quezon 3rd District Representative Reynan Arrogancia ang pagluluwag ng health protocols sa bansa kaugnay sa COVID 19, tulad ng pagpapatupad ng boluntaryo na lamang na pagsusuot ng face mask.


Naniniwala si Arrogancia na makatutulong ito sa lalong pagsigla ng turismo at mas masaya din na makita ang ngiti ninuman dahil hindi na natatakpan ng face mask.


Kung tutuusin, ayon sa kanya, atrasado na ang pagrelax ng safety protocols sa ating bansa dahil batay sa COVID bulletins ay limitado na ang pagkalat ng virus sa kabila ng paglitaw ng bagong variants nito.


Idinagdag pa niya na ang kailangan natin ngayon ay mapag-ibayo ang pagbabakuna laban sa COVID 19 lalo na ang pagbibigay ng booster shot.


Mungkahi ni Arrogancia, para mapadali ang proseso ng pagbabakuna ay mainam na  maglalagay din ng vaccination area sa mga barangay health centers, transport hubs, at malls at papayagan ang mga walk-in.


Naniniwala si Arrogancia na mas magiging ligtas at masigla ang pagdiriwang  ng darating na Pasko kapag mas dumami pa ang nakapagpa-booster shot.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento