Binuhay ni Manila Rep. Bienvenido Abante ang kanyang panukalang Anti-POGO Act sa gitna ng mga kontrobersiya laban sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs.
Nitong 19th Congress, inihain ni Abante ang House Bill 5082 na nagsusulong na i-ban o ipagbawal at ideklarang ilegal ang mga POGO, na aniya’y “mockery” o panunuya sa anti-money laundering, immigration at tax laws sa ating bansa.
Ayon sa kanya, naging pugad din ang mga POGO ng mga krimen, ngunit higit sa lahat, ang operasyon nito ay nakakaapekto sa pagkawala ng trabaho ng masisipag na mga Pilipino dahil sa dumaraming dayuhang mangaggawa.
Idinagdag pa ng beteranong mambabatas na ang mga POGO ay bawal sa China, pero dito sa Pilipinas ay ginawa pang legal ang operasyon.
Banat tuloy ni Abante, dapat bang maging proud ang bansa kung tatawaging tanging Christian nation na “Gambling Nest in Asia.”
Kapag naging ganap na batas, ipagbabawal ang anumang offshore o pagtatayo ng POGO hub sa ating bansa.
Nakasaad pa rito na babawiin o tatanggihan na ang sinumang tao o grupo na nabigyan o bibigyan ng lisensya ng gobyerno sa pamamagitan ng PAGCOR bilang foreign-based operators, local gaming agents, POGOs, at service providers para sa offshore gaming operations sa Pilipinas.
Dagdag sa panukala ni Abante, ipapatupad ang ban o pagbabawal sa foreign employment at magpapataw ng parusa sa mga dawit sa human trafficking offense o sa sinumang kukuha o magrerecruit ng mga tauhan para sa offshore gaming operations.
Bubuo naman ng isang IATF-POGOs na tututok sa implementasyon sakaling maging ganap na batas at mag-iimbestiga sa mga lalabag.
Ang itinakdang parusa ay 4 hanggang 10 taong pagkakakulong, at multang P100,000 hanggang P10 million, depende sa gagawing “offense” o paglabag.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento