Miyerkules, Oktubre 12, 2022

LAGANAP DIUMANO NA ONLINE CHILD SEXUAL ABUSE SA BANSA, PINA-IIMBESTIGAHAN NI DEPUTY SPEAKER VILLAR

Pina-iimbestigahan ni House Deputy Speaker at Las Pinas Representative Camille Villar sa Kamara ang laganap na "online child sexual abuse' lalo at ang Pilipinas ngayon ang top producer umano ng child pornography sa buong mundo.


Nababahala kasi ang mambabatas na maraming mga bata ang na-exposed sa mga ganitong insidente kaya nararapat lamang na pagtuunan na ito ng pansin.


Ayon kay Villar ang child pornography ay isa sa pinakamalubha at nakakaalarma na anyo ng human trafficking na nangyayari sa Pilipinas.


Sa House Resolution No. 453, na inihain ni Rep. Villar, kaniyang inihayag na naging laganap ang online sexual abuse sa mga bata nuong kasagsagan ng Covid-19 pandemic. 


Sinabi ni Villar, mahalaga na magkaroon ng hakbang ang gobyerno ukol sa child pornography para protektahan ang mga bata sa anumang uri ng online abuses.


Magugunita, taong 2016 ang Pilipinas ang naging global epicenter sa mga live-stream sexual abuse trade at pangalawa din ang bansa sa cybercrime vulnerability.


Nasa anim sa 10 mga kabataan na may edad walo hanggang 10- taong gulang ang na-exposed sa cyber risks gaya ng phishing, hacking, cyberbullying at sexual exploitation dahil sa madaling pag-access sa mga smart phones at tablets.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento