Miyerkules, Setyembre 14, 2022

PANUKALANG BATAS NA NAGDEDEKLARA SA UNANG ARAW NG PEBRERO NG BAWAT TAON BILANG NATIONAL HIJAB DAY, INAPRUBAHAN

Inaprubahan ngayong Miyerkules ng Komite ng Muslim Affairs sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo, batay sa istilo at susog, ang dalawang pinagsamang panukalang batas na magdedeklara sa unang araw ng Pebrero ng bawat taon bilang National Hijab Day. 


Ito ay ang House Bill 1363 na iniakda ni Maguindanao at Cotabato City Rep. Bai Dimple Mastura at HB 3725 ni Basilan Rep. Mujiv Hataman.  


Sa kanyang pag-isponsor ng panukala, sinabi ni Mastura na ang terminong "hijab" ay higit pa sa pananamit at kasama dito ang pag-uugaling moral, asal, at ugali ng indibidwal. 


“Ito ay hindi lamang isang pirasong kasuotan ngunit isang aspeto ng kultura na nagdadamit at nagbabalot ng aming pagkatao,” aniya.  


Ipinaliwanag pa ni Mastura na ang HB 1363 ay inihahain bilang pagtalima sa kalayaan sa relihiyon na karapatan ng bawat babaeng Muslim, na ipahayag ang kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng pagsusuot ng hijab. 


“It likewise aims to deepen understanding among non-Muslims about the value of wearing a hijab as an act of modesty and dignity of Muslim women," ani Mastura.  


Nagpahayag ng suporta ang mga ahensiyang tulad ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF), Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Civil Service Commission (CSC) at Bangsamoro Women Commission (BWC) sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan para sa nasabing mga panukalang batas. 


Ipinahayag naman ni Dimaporo na anumang mga susog sa panukalang batas, na may pag-apruba ng mga may-akda, ay maaaring talakayin sa plenaryo, sa Senado o sa panahon ng bicameral conference committee. 


Bago ang pagsisimula ng pagpupulong, binigyan ng NCMF ng oryentasyon ang Komite sa pangunguna ni Secretary Guiling Mamondiong, sa kanilang mga panukalang pambatas para sa ika-19 ng Kongreso.  


Sa kanyang presentasyon, tinalakay ni Atty. Mia Abdullah, Chief of Legal Division, NCMF National Capital Region, ang layunin, mandato at mga tungkulin ng Komisyon.  Ibinahagi rin niya ang tungkol sa kanilang mga repormang pang-administratibo na kinabibilangan ng iba pa, ang paglikha ng Komite ng transparency and accountability; delegasyon ng mga tungkulin sa pangangasiwa sa mga komisyoner; at ang pagtatatag ng NCMF-grievance committee. 


Isa sa mga panukalang batas nito ay ang paglikha ng mga korte ng SHARIAH, sa labas ng nasasaklawan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

ThinkExist.com Quotes