Inaprubahan ngayong Miyerkules ng Komite ng Muslim Affairs sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Muhamad Khalid Dimaporo (1st District, Lanao del Norte), ang ulat ng Komite sa substitute bill na nagdedeklara sa unang araw ng Pebrero ng bawat taon bilang National Hijab Day, at pagsusulong ng unawaan sa mga tradisyong Muslim sa pagsusuot ng hijab.
Ang mga pinalitang panukala ay iniakda nina Rep. Bai Dimple Mastura ng Maguindanao at Deputy Minority Leader Mujiv Hataman.
HB 2587 nina Rep. Zia Alonto Adiong (1st District, Lanao del Sur) at Rep. Yasser Alonto Balindong (2nd District, Lanao del Sure); at HB 3755 ni Hataman.
PAGTATATAG NG MGA PAMPUBLIKONG SEMENTERYO PARA SA MGA PILIPINONG MUSLIM, TINALAKAY SA KOMITE
Tinalakay ng Committee on Muslim Affairs ang mga panukala na naglalayong itatag ang mga pampublikong sementeryo para sa mga Pilipinong Muslim sa mga lungsod at bayan, na may malalaking populasyon ng mga Muslim.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na sa kasalukuyan, napakahirap para sa mga Muslim na ilibing ang kanilang mga pumanaw na kaanak, dahil sa kakulangan ng mga pampublikong sementeryo na tumutugon sa kanilang mga pangangailangan, alinsunod sa kanilang mga paniniwala at tradisyon.
Sinabi niya na kadalasan ay kailangan pa nilang dalhin ang kanilang mga namatay sa kanilang bayan sa Mindanao, na ayon sa kanya ay mas magastos at mahirap para sa mga namatayan.
Sinabi naman ni Lanao del Sur Rep. Yasser Alonto Balindong na sa mga tradisyon ng Islam, ang paglilibing ng mga pumanaw na kapanalig ay isang sama-samang obligasyon ng komunidad ng mga Muslim.
Samantala, sinabi ni Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman na ang kanyang panukala ay mula sa inspirasyon ng pagkakatatag ng pampublikong sementeryo sa Lungsod ng Maynila.
Nagprisinta si Director Shey Sakaluran Mohammad ng Tanggapan ng Punong Lungsod ng Lungsod ng Maynila – Manila Muslim Affairs, sa kanilang sementeryo para sa mga Muslim.
Binanggit niya ang Ordinance No. 8608 na noong panahon ni Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso ay kanyang nilagdaan, ika-2 ng Marso 2020, at naglalaan ng pondo para sa pagtatatag ng sementeryo para sa mga pumanaw na Muslim, na naninirahan sa Lungsod ng Maynila.
Hinggil sa tanong sa basehang legal sa pagtatatag ng pampublikong sementeryo para sa mga Muslim, na ayon sa isinasaad sa probisyon ng paghihiwalay ng simbahan at estado, sinabi ni Sakaluran Mohamad na polisiya ng estado at mga lokal na pamahalaan na pangalagaan ang mga kultura at tradisyon ng mga Pilipino sa pangkalahatan.
Ilang mga ahensya tulad ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF), Department of Budget and Management (DBM), Department of the Interior and Local Government (DILG), Commission on Audit (COA), at ang Ministry of the Interior and Local Government (MILG) Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ay inimbitahan upang magbigay ng kanilang mga komento at posisyon sa nasabing panukala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento