Lunes, Oktubre 31, 2022

MGA POLISIYA SA INDUSTRIYA NG POGO, KINUWESTYON NG COMMITTEE ON LABOR AND EMPLOYMENT SA KAMARA

Nagsagawa ng motu proprio inquiry ang Komite ng Labor and Employment sa Kamara de Representantes, na pinamumunuan ni Rizal Rep. Juan Fidel Felipe Nograles ngayong Miyerkules upang talakayin ang mga polisiya sa labor at employment sa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at mga nagsusulong nito. 


Ang hybrid na pagdinig ay tumalakay rin sa posibleng kahihinatnan ng pagpapahinto sa operasyon ng POGO sa bansa. 


Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Local Employment Bureau Chief Rosalinda Pineda na batid ng ahensya ang mga iligal na operasyon ng POGO, subalit ang kanilang tungkulin ay inspeksyunin ang mga legal at lisensyadong operators ng POGO. 


Tinanong ni ParaƱaque City Rep. Gus Tambunting ang mga plano at programa ng DOLE hinggil sa pagsisiyasat sa mga Pilipinong manggagawa sa POGO, na posibleng mawalan ng trabaho sakaling ipatigil ang operasyon ng POGO sa bansa. 


Sinabi ni Pineda na ang DOLE ay may mga programang pagsasaayos at pakikialam na nakalatag, upang matulungan ang mga Pilipinong manggagawa sa POGO, kasama ang kanilang mga pamilya. 


Iniulat ni National Economic and Development Authority (NEDA) Assistant Secretary Sarah Lynne Ducanes na sa kanilang paunang pagtataya sa 2022, ipinakikita rito na ang mga kompanya ng POGO ay nakapagdala na ng humigit-kumulang ng P53.1-bilyon sa ekonomiya, o 0.31 porsyento ng Gross Domestic Product (GDP). 


Sa hanay ng paglikha ng trabaho, ang industriya ng POGO ay tinatayang makakalikha ng 20,000 karagdagang trabaho sa kasalukuyang 16,736 Pilipinong nagtatrabaho ngayon sa industriya mula Enero hanggang Hunyo 2022. 


Sinabi niya na ang karagdagang trabahong ito na nalikha ay karaniwan sa serbisyo ng pagkain at inumin, trabaho sa bukid at pangingisda, pagtitingi, kalakalan, serbisyong teknikal at administratibo, transportasyon at real-estate. 


Gayundin, sinabi ni Ducanes na kinokonsidera ng NEDA ang potensyal na halaga ng ekonomiya na mawawala, na nagmumula sa dalawang pinanggagalingan nito, ang turismo mula sa mga Intsik at ang pamamayagpag ng mga mapanlinlang na transaksyon. 


Para sa Department of Finance (DOF), sinabi ni Undersecretary Maria Magno na ang kabuuang halaga ng buwis na nakokolekta ng kagawaran at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) mula sa POGO, ay nabawasan sa magkakasunod na taon dahil sa pormalisasyon ng sektor, at mga bagong polisiya sa buwis. 


Sinabi rin ni Magno na kapag itinigil ang POGO, mawawalan ng kita ng bansa ng P64.61-B sa direktang kontribusyon sa ekonomiya, o 0.3 porsyento sa GDP. Binigyan rin ng oportunidad ang mga Pilipinong manggagawa sa POGO, mga kawani, at mga service providers na magpahayag ng kanilang mga saloobin hinggil sa napipintong pagpapatigil sa industriya sa naturang pagdinig.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento