Huwebes, Setyembre 29, 2022

PANUKALANG P5.268-T BADYET PARA SA 2023, INAPRUBAHAN NG KAPULUNGAN

Sa botong 289-3, inaprubahan kagabi ng Kapulungan ng mga Kinatwan, sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P5.268-trilyon pambansang badyet para sa 2023.


Ang sertipikasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa badyet bilang urgent, ang nagbigay daan sa pag-apruba ng House Bill (HB) No. 4488, o ang General Appropriations Bill (GAB) para sa 2023, sa ikalawa at ikatlong pagsaba sa parehong araw.


Pinuri ni Speaker Martin G. Romualdez ang kanyang mga kapwa mambabatas sa kanilang napakahalagang kontribusyon sa kagyat na pagpasa ng GAB, at sa pagtitiyak na ang bawat sentimo ay matalinong gagamitin sa implementasyon ng mga programa ng administrasyong Marcos, at nakatuon sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa sa kabila ng malalang epekto ng pandemyang dulot ng coronavirus. 


“The expeditious passage of the proposed 2023 budget is the product of the collective effort of the entire House, in transparent and open proceedings where the majority accorded ample opportunity for the constructive inputs of our friends from the minority bloc,” ani Romualdez. 


Ayon sa kanya, ang inaprubahang badyet ng Kapulungan para sa 2023 ay nanatiling sang-ayon sa 8-point socio-economic agenda ng administrasyong Marcos, na makamit ang nagsusustining paglago.


Nanawagan si Pangulong Marcos para sa agarang pagpasa ng panukalang 2023 badyet,  “in order to address the need to maintain continuous government operations following the end of current fiscal year, strengthen efforts to respond more effectively to the COVID-19 pandemic, and support initiatives towards national economic recovery.”


Sa pag-apruba ng GAB sa ikatlo at pinal na pagbasa ngayong Miyerkules, ay nakamit ng Kapulungan ang kanilang itinakdang sariling deadline, para tapusin ang mga deliberasyon sa panukalang 2023 badyet, bago ang adjournment ng sesyon mula ika-1 ng Oktubre hanggang ika-6 ng Nobyembre 2022.


Umabot lamang ng anim na linggo ang Kapulungan ng mga Kinatawan, upang aprubahan ang GAB, simula sa oras na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) ang National Expenditure Program (NEP) noong ika-22 ng Agosto 2022.


Gayundin, kinilala ni Romualdez ang mahalagang papel na ginampanan nina House Majority Leader at Rules Committee chair Manuel Jose M. Dalipe, Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, chairman ng Komite ng Appropriations, at senior vice chairperson ng Komite ng Appropriations at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, sa pangunguna sa pagpasa ng ng 2023 badyet, kabilang ang mga deputies at iba’t ibang lupon na nangasiwa sa daloy ng mga deliberasyon sa plenaryo. 


Nauna nang ipinunto ng economic team ng administrasyon ang layunin ng administrasyong Marcos, na naghahangad na makamit ang 6.5 hanggang 8.0 porysento ng tunay na Gross Domestic Product (GDP) growth kada taon sa pagitan ng 2023 hanggang 2028, upang makamit ang single-digit, o 9.0 porsyento na antas ng kahirapan sa taong 2028.


Alinsunod sa nasabing layunin, ang P5.268-Trilyon NEP na isinumite ng DBM ay 4.9 porsyetong mas mataas sa 2022 badyet, at inilagay nito sa pinakaunang prayoridad ang  edukasyon, pagpapaunlad ng mga imprastraktura, kalusugan, agrikultura at social safety nets.


Sa ilalim ng NEP, ang sektor ng edukasyon ay makakatanggap ng 8.2 porsyentong pagtaas sa susunod na taon ng halagang P852.8-Bilyon at mananatiling pinakamalaking prayoridad sa badyet na iminamandato ng Saligang Batas. 


Ang badyet ng DepEd ay nakatanggap ng pagtaas mula P633.3-bilyon sa 2022, sa P710.6-bilyon sa 2023.


Sa kabilang dako, ang kabuuang Php1.196-trilyon ay inilaan sa mga programang pang imprastraktura ng pamahalaan para sa 2023.


Sa sektor naman ng kalusugan, makakatanggap ito ng 10.4 porsyento ng pagtaas sa badyet na P296.3-bilyon para sa 2023, inklusibo ng mga badyet ng Kagawaran ng Kalusugan (DoH), at ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).


Upang mapaganda ang kanilang pagtatanghal, ay inilaan naman sa sektor ng agrikultura ang P184.1-bilyon, na may 39.2 porsyentong pagtaas mula sa kanilang alokasyon noong 2022. 


Ang kabuuang halaga ay kinabibilangan ng P29.5-bilyon para sa serbisyo ng irigasyon.


Ang mga alokasyong ito ay alinsunod sa mga kautusan ng Pangulo, na ang mga prayoridad ay dapat na maibigay sa agrikultura para mapasigla at mapaangat ang naturang sektor, mula sa pagiging sagabal sa ekonomiya, tungo sa isang pangunahing tagasulong ng paglago at trabaho.

Martes, Setyembre 27, 2022

PAGKASIRA NG SIERRA MADRE MOUNTAINS, IIMBESTIGAHAN NG KOMITE SA KAMARA

Magpapatawag ng imbestigasyon ang House Committee on Natural Resources sa pagkasira at pagka-kalbo ng Sierra Madre at mahanapan ng solusyon para ito ay maprotektahan.


Ayon kay Congressman Elpidio Barzaga Jr., chairman ng komite, panahon nang protektahan ang Sierra Madre Mountains para maiwasan ang grabeng pagbaha kapag may mga malalakas na bagyo gaya ng nagdaang super typhoon Karding.


Sa resolusyon ni Barzaga, pinatutukoy kung may mga aktibidad gaya ng illegal logging, gold mining, limestone mining, quarrying, deforestation at dam construction sa naturang lugar.


Sabi ni Barzaga, dapat din magpaliwanag ang DENR kung naisyuhan ng permit at pinayagan ang mga nabanggit na operasyon dahil malinaw na hindi kinunsidera ang environmental impact nito.


Tinatawag na “backbone of Luzon” ang Sierra Madre Mountains na siyang “longest mountain range” sa Pilipinas.


Mahalaga ang papel ng Sierra Madre Mountains dahil ito ang nagsisilbing “natural shield” laban sa mga bagyo at baha mula sa Pacific Ocean.


Ang watershed nito ang sumusuporta sa water system ng Luzon, Cagayan Valley at Metro Manila.


Sabi ni Barzaga, naging proteksiyon ang Sierra Madre Mountains sa paghagupit ng super typhoon Karding, bagyong Ompong noong 2018 maging ng mga bagyong Lawin at Karen.

MGA PANUKALANG EASE OF PAYING TAXES AT FREE COLLEGE ENTRANCE EXAMS PARA SA MGA MAHIHIRAP NGUNIT MATATALINONG MAG-AARAL, PASADO SA IKATLO AT HULING PAGBASA

Nagkakaisang inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ngayong Lunes ang House Bill 4125, na naglalayong isailalim sa institusyon ang paghahain at pagpoproseso ng simplified tax returns. 


Inaprubahan ito sa 250 boto. 


Ang panukalang "Ease of Paying Taxes Act," ay lilikha ng medium taxpayer classification at katumbas na Bureau of Internal Revenue (BIR) special unit. Aamyendahan nito ang Republic Act No. 8424, na mas kilala bilang “The National Internal revenue Code of 1997", na inamyendahan. 


Nagkakaisang inaprubahan rin sa ikatlo at huling pagbasa na may 251 boto ang HB 4896, na nagdedeklara sa ika-16 ng Mayo, bawat taon bilang isang special working holiday, na kikilalanin bilang “National Education Support Personnel Day”. Gayundin, aprubado sa Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ang HB 5001, o ang panulakalang “Free College Entrance Examinations Act," na may 252 boto. Imamandato sa panukala na lahat ng pribadong higher education institutions (HEIs) ay kanilang tatalikdan ang mga babayarin sa college entrance examination ng mga mahihirap na graduating high school students at high school graduates na nabibilang sa top 10 percent ng kanilang graduating class. Samantala, ang mga lokal na panukalang HBs 4838, 4839, at 4840 sa pagdedeklara ng mga local holidays at HBs 4841, 4842, 4843, 4844, at 4845 sa paglikha ng mga barangays ay aprubado rin sa ikatlo at huling pagbasa. 


Hinirang naman ng Kapulungan ang mga miyembro ng bicameral conference committee, bilang paghahanda sa pag-apruba ng Senado sa panukala na nagpapaliban sa mga halalang barangay at Sangguniang Kabataan ngayong taon. 


Ang hybrid sesyon ngayong Lunes ay pinangunahan nina Deputy Speakers Aurelio Gonzales Jr at Ralph Recto.

Lunes, Setyembre 26, 2022

PAGPAPATAYO NG PERMANENT EVACUATION CENTERS SA MGA LUNGSOD AT BAYAN, MULING INIHAIN NA NAMAN SA KAMARA

Muling inihain sa Kamara ang panukalang batas para sa pagpapatayo ng permanent evacuation centers sa kada lungsod at munisipalidad.


Bunsod na rin ng pananalasa ng Super Typhoon Karding ay muling binuhay ng Makabayan bloc ang Permanent Evacuation Centers in Every City and Municipality Bill bilang House Bill 5152.


Una nang lumusot ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa noong 18th Congress sa Kamara, ngunit hind isa Senado.


Sa ilalim ng naturang panukala, isinusulong ang pagtatayo ng disaster resilient evacuation centers sa pagitan ng dalawa o tatlong baranggay.


Sa pamamagitan nito, mas malapit at mas maraming pamilya ang maaaring sumilong sa naturang evacuation center na maaari na ring magsilbi bilang disaster response command center.


Layon din nitong matigil na ang paggamit sa mga paaralan at covered courts bilang evacuation centers.


Titiyakin naman na kada permanent evacuation center at may sapay na stockpile ng pagkain, tubig, gamot maging communication equipment.


Umaasa naman si Deputy Minority Leader France Castro na ma-certify as urgent ang panukala at kagyat na aksyunan ng dalawalang kapulungan ng kongreso at maisapa din ang pagpoppndo sa 2023 general appropriations bill.


"We refiled the 3rd reading version to further expedite the passing of the measure. We also hope that HB 5152 would be classified as urgent by Malacanang and the House leadership because time is of the essence so that we can save more lives. Sa paghambalos po ni Karding sa ating bansa ay sa mga covered courts, maliliit na barangay hall at eskwelahan na naman ang ginawang evacuation center para sa ating mga kababayan kaya hirap pa din ang mga nasalanta maging sa  lugar kung saan sila lumikas," saad ni Castro.

ACCREDITATION NG MGA BLOGGER, VLOGGER AT SOCIAL MEDIA PRACTITIONER, PINAG-ARALAN PA RIN SA MALAKANYANG

Pinag-aaralan pa rin ng Office of the Press Secretary ang posibilidad na ma-accredit ang “bloggers/vloggers at social media practioners” sa Malakanyang.


Ito ang sinabi ni House Committee on Appropriations Senior Vice Chairman Stella Quimbo, na siyang sponsor ng panukalang 2023 budget ng OPS.


Sa plenary deliberations, inungkat ni Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado ang binanggit ni Press Sec. Trixie Cruz-Angeles noong Hunyo na ang mga blogger/vlogger at social media practioners na may “high engagement” at maraming followers ay maaaring bigyan ng “access” sa Malacanang events kapag na-accredit.


Kaya tanong ni Bordado, prayoridad pa rin ba ng OPS ang bagay na ito.


Tugon ni Quimbo, ang OPS ay bukas naman sa posibilidad na i-accredit ang mga vlogger at katulad.


Pero sa ngayon ay patuloy pa rin ang pag-aaral dito, at kung sakaling pagpasyahan na i-accredit na ang mga vlogger ay mahalaga na magkaroon sila ng kinakailangang “training.”


Matatandaan na umani ng iba’t ibang reaksyon ang plano na blogger/vlogger accreditation sa Malakanyang, sa ilalim ng Marcos administration.

SUBSIDIYA PARA SA MGA MAGSASAKA NA NAGING BIKTIMA NG BAGYONG KARDING, HINILING SA KAMARA

Hinihimok ni Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang administrasyong Marcos Jr. na bigyan ng P15,000 production subsidy ang mga magsasaka lalo na yung matindi ang naging pinsala sa mga lupang sakahan dahil sa hagupit ng bagyong Karding.


Batay sa pinaka huling pagtaya ng Department of Agriculture (DA) nasa 1.7 milyong ektarya  ng mga pananim ang napinsala ng bagyo sa Luzon.


Sa bilang na ito, halos 1.5 milyon ay mga sakahan para sa produksyon ng bigas.

Binigyang-diin ni Brosas na dapat hanapan ng pondo ng gobyerno para mabigyan ng tulong ang mga magsasaka dahil malakki ang nalugi sa kanila Rice Tariffication Law at mahal na presyo ng langis, at ngayon nama'y winasak ang kanilang pananim dahil sa bagyo.


Sinabi ng mambabatas na maaaring kunin ng Pangulo ang magagamit na balanse mula sa contingent fund at mga bahagi ng unprogrammed fund na nakalaan para sa cash assistance para sa mga rice farmers.


Isinusulong din ni Brosas ang pagsama ng P15,000 production subsidy para sa 9.7 milyong magsasaka at mangingisda sa proposed 2023 budget. 


Ayon sa mambabatas maaaring humingi ng pondo para dito mula sa mga hindi malinaw na lump sum items gaya ng redundant LGU support funds lalo na ang NTF-ELCAC pondo.


Batay sa pinagsama-samang datos ng lahat ng rehiyon sa Luzon, ang lugar ng mga nakatayong pananim na posibleng maapektuhan ng 'Karding' ay umabot sa 1,469,037 ektarya para sa palay at 281,322 ektarya para sa mais.

PAGKAKAROON NG UNIVERSAL BEEP CARD PARA SA MGA COMMUTER, IMINUNGKAHI SA KAMARA

Isinusulong ni Congressman Patrick Michael Vargas ng 5th District ng Quezon City na gawing centralized o “single beep card” ang  store-value payments and transactions para sa public transportation sa Metro Manila.


Sa House Bill 4913 o “Universal Beep Card Bill”, sinabi ni Vargas, layunin nito na magkaroon ng one-card-fits-all system at maiwasan ang inconvenience ng paggamit at pagbabayad ng multiple contactless smart cards.


Matatandaan, ang beep cards ay reloadable contactless smart cards na inilunsad noong 2015 para sa mga commuter na sumasakay sa LRT Line 1, LRT Line 2, MRT Line 3 at ino-operate ng AF Payments Incorporated.


Pero noong 2016, naglunsad muli ng isa pang contactless smart card para sa 

programang Bagong Jeep o BEEP program na nagresulta ng kalituhan sa maraming commuters.


Dahil dito, nilinaw ng DOTr papayagan ang mga PUV operators na pumili ng automatic fare collection system sa kundisyon na susunod sa direktiba ng DOTr na magamit ang contactless transactions.


Ayon kay Vargas, kapag nagkaroon ng “universal beep card” makatitipid ang mga commuter at maiiwasan ang kalituhan sa iba-ibang reloadable smart cards.


Sabi ni Vargas, miembro ng House Committee on Metro Manila Development, ang universal beep card ay matagal ng ginagamit sa London, Paris, Hongkong at Seoul na nagresulta at dagdag na bilang ng mga commuter kada araw.


Giit pa ni Vargas, kapag naramdaman ng ating mga pasahero ang convenience, mas mahihikayat ang mga ito na mag-commute at mababawasan ang problema sa trapiko.

SUGAR REGULATORY BOARD O SRA, IPINABUBUWAG NG ISANG MAMBABATAS

Ipinabubuwag na ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. ang Sugar Regulatory Administration o SRA.


Sa explanatory note ng kanyang House Bill 5081, tahasang sinabi ni Abante na ang SRA ay siyang “problema” sa isyu ng sektor ng asukal sa ating bansa.


Binanggit din ng beteranong mambabatas ang “incompetence” at katiwalian sa SRA.


Ani pa Abante, sa ngayon ay mataas ang presyo ng asukal sa merkado na malaking pabigat sa mga ordinaryong mamamayan, lalo ngayong nararanasan pa rin ang epekto ng COVID-19 pandemic. Mababa rin umano sa target ang “sugar production” sa ating bansa, dahil sa pinsalang dulot ng Bagyong Odette, at kakulangan sa supply ng asukal na nakaka-apekto sa mga negosyo.


Dagdag niya, sa gitna ng nakaambang “food crisis” na bunsod ng “problematic sugar industry,” hindi umano nakatulong ang SRA sa paghahanap ng anumang solusyon.


Sa House Bill ni Abante, ang SRA, na binuo sa ilalim ng Executive Order no. 18, ay i-a-abolish sa loob ng anim na buwan mula sa petsang maging ganap na batas ang panukala.


Ang kapangyarihan at tungkulin ng SRA ay lilipat sa Department of Agricultre o DA, at ang mga rekord at dokumento kaugnay sa regulasyon ng sugar industry ay ililipat din sa Kagawaran.


Ang panukala ni Abante ay kasunod ng mga kontrobersiya laban sa SRA, gaya ng Sugar Order no. 4 o importasyon ng 300,000 metriko toneladang asukal, na batay sa Palasyo ay “ilegal” at hindi otorisado ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

BUONG LINGGO NGAYON AY EKSKLUSIBONG ILALAAN NG KAMARA SA DELIBERASYON LAMANG NG LAANG 2023 BUDGET

Simula ngayong Lunes o ngayong buong linggo ay ibubuhos ng Mababang Kapulungan ang buong panahon nito sa pagtalakay sa panukalang 2023 national budget na nagkakahalaga ng 5.268 Trillion pesos.


Ayon kay House Majority Leader Manuel Jose Dalipe, wala na muna silang ibang panukalang batas na bibigyan ng oras hanggang hindi naipapasa ang 2023 budget.


Sabi ni Dalipe, kahit abutin sila ng dis-oras ng gabi ay tatapusin ng kamara plenary deliberations sa proposed budget hanggang sa Miyerkules, September 28 upang makamit ang target na pag-apruba dito sa third and final reading sa September 30. 


Sa ngayon ay aprubado na sa plenaryo ng Kamara ang panukalang pondo ng 76 percent ng mga tanggapan ng gobyerno, kabilang dito ang 54 na mga departamento ng gobyerno at mga attached agencies nito, kasama na rin ang mga constitutional bodies.


Dahil dito ay 14 na ahensya na lang ang nakatakdang isalang sa plenary deliberations ngayong linggo.


kabilang dito ang DOT, DTI, Office of the Press Secretary, DICT, DFA, DPWH, DOTr, DOE, DENR, Office of the President, Presidential Management Staff at NCIP.

######

DELIBERASYON SA BUDGET 2023 NG NCIP, NANANATILING NAKABINBIN PA

Nanatiling nakabinbin sa deliberasyon sa plenaryo ng Kamara ang 1.469 billion pesos na panukalang pondo sa susunod na taon para sa National Commission on Indigenous People o NCIP dahil sa ilang isyu.


Kabilang dito ang ibinunyag ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na iregularidad sa coffee table book project ng NCIP na nagkakahalaga ng 7-Million pesos na pinondohan ng Tourism Promotions Board pero himihingi pa umano ng pondo ang NCIP sa iba't ibang mining companies at grupo ng mga katutubo.


Dagdag pa ni Brosas ang umano'y pagbili ng NCIP ng mamahaling gamit at patuloy na pagdaraos ng NCIP ng conventions at meetings sa mga mamahaling hotel o resorts lalo na noong 2018 at 2019 kahit siwanay na ito ng Commission on Audit.


Sagot ni Benguet Representative Eric Yap, na syang nagdedepensa sa 2023 budget ng NCIP, nasagot na ang isyu ukol sa pagsasagawa nito ng events sa high end hotel at resorts.


Sabi ni Yap, kasalukuyang tinutugunan ng NCIP ang isyu sa pagbili nito ng mga tablets at laptop na ginamit sa zoom meetings sa kasagsagan ng pandemya.


Samantala, pinagbibitiw naman Kabataan Party-list representative Raoul Manuel si NCIP Chairperson Allen Capuyan.


Ito ay makaraang lumutang ang video na nagpapakita na ginamit umani Capuyan sa politika nitong 2022 national elections ang pulong sa Indigenous People’s Mandatory Representatives na itinanggi naman ni Capuyan.


#######

HAZARD PAY SA MGA DISASTER RELIEF TEAM TUWING MAY DEKLARASYONG STATE OF EMERGENCY, IMINUNGKAHI

Ipinapanukala sa Kamara na mabigyan ng “hazard pay” ang mga miyembro ng disaster relief teams ng mga lokal na pamahalaan at volunteers na nagseserbisyo tuwing deklarado ang “State of Calamity.”


Sa House Bill 3108 ni Rep. Ria Vergara, pina-aamyendahan ang Republic Act 10121 o “The Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act."


Sa panukala, isinusulong na mapagkalooban ng P2,000 kada buwan at “tax-free” na hazard pay ang mga tauhan ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office o LDRRMO, Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office o BDRRMO, at mga accredited community disaster volunteers o ACDVs, sa mga lugar na nasa ilalim ng State of Calamity.


Paliwanag ni Vergara, tuwing may bagyo, lindol, malawakang pagbaha o trahedya, naririyan ang disaster relief teams at volunteers na ibinubuwis ang buhay at maaari na ituring na mga “bayani” dahil sa kanilang pagtulong sa mga biktima.


Ngunit nakakalungkot aniya na hindi nakasaad sa RA 10121 o anumang batas at ordinansa  ang pagkakaloob ng hazard pay o katulad na kompensasyon para sa mga disaster relief teams at mga volunteer.


Sinabi ni Vergara na hindi umano pinagbigyan noon ng National Disaster Risk Reduction and Mangement Council o NDRRMC ang apelang compensatory benefits para sa mga disaster personnel dahil hindi sakop ng NDRRM Fund.


Kaya naman giit ni Vergara, napapanahong maipasa ang kanyang panukala bilang pagkilala sa kabayanihan, trabaho at sakripisyo ng disaster relief workers.

Linggo, Setyembre 25, 2022

PAGGAWANG ISANG KREMIN SA PANG-AABUSO SA MGA SENIOR CITIZEN, ISINUSULONG SA KAMARA

Ipinanukala ni Agusan del Norte 2nd District Rep. Dale Corvera sa kanyang inihaing HB05116 o ang Senior Citizens Protection Act, na gawing kremin ang mga pang-aabuso laban sa mga nakakatanda na magreresulta sa kanilang pisikal o sikolohikal na kapahamakan, pagdurusa at pagkabalisa.


Sinabi ni Corvera na kinikilala ng kanyang panukalang batas ang pagka-bulnerable ng mga senior citizen na dapat sila ay maprotektahan sa anumang uri ng pang-aabuso, coercion, exploitation, pag-aabandona, kapabayaan, violence at iba pang mga aksiyon laban sa kanilang kaligtasan at seguridad.


Iminungkahi dito sa panukala ang pagtatatag ng isang national citizen help hotline kung saan ang mga biktima at concerned citizens ay makakatawag na walang bayad upang i-report ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga elderly.

Biyernes, Setyembre 16, 2022

PAGTALAKAY SA 2023 PANUKALANG BADYET NG NCIP, TINAPOS NA NG LUPON NG APPROPRIATIONS

Tinapos na ngayong Biyernes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list, AKO BICOL), ang pagtalakay sa panukalang badyet ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). 


Ayon kay Committee on Appropriations Senior Vice Chair at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, ipinagpaliban ng lupon ang badyet ng NCIP noong nakaraang linggo dahil umano sa pakikialam ng Komisyon sa mga aktibidad na hindi naman kabilang sa kanilang mandato, gamit ang kanilang napakaliit na pondo. 


Sinabi ni Quimbo na ang mandato ng NCIP ay protektahan at isulong ang kapakanan ng mga katutubo (IPs), at ang mga indigenous cultural communities (ICC).


"The NCIP administers programs like the ancestral domain, land recognition, educational assistance program to IPs students as well as legal services to ICCs and IPs,” aniya. 


Sa kanyang mensahe, sinabi ni NCIP Chairman Allen Capuyan na nagpadala sila ng opisyal na liham sa Kapulungan ng mga Kinatawan, at kanilang nilinaw ang mga usapin hinggil sa salungat na mandato. 


Ang 2023 panukalang badyet ng NCIP ay P2.8-bilyon, subalit sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP), ang inirekomendang badyet ay P1.468-bilyon. Sinabi ni Rep. Rufus Rodriguez (2nd District, Cagayan de Oro City) na ang binawasang badyet ay nagpapakita ng kapabayaan at hindi pagpansin ng pamahalaan sa mga IPs. 


Sa kanyang tugon sa katanungan ni Rep. Mark Go (Lone District, Baguio City) hinggil sa kung anong mga programa ang maapektuhan sa nabawasang badyet, sinagot ni Capuyan na ang labis na maaapektuhang aktibidad ay ang programa sa delineasyon ng ancestral domain. 


Aniya, kanilang iminumungkahi ang karagdagang halaga na P700-milyon. Nagpahayag si Go ng suporta sa hiling ng NCIP para sa karagdagang badyet.

PAGTALAKAY SA P717.3-B PANUKALANG BADYET NG DPWH, TINAPOS NA NG KOMITE NG APPROPRIATIONS

Tinapos ngayong Biyernes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list, AKO BICOL), ang P717.31-bilyong panukalang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2023. 


Tinyak ni Co na ang lupon ay determinadong suportan ang mga hangarin ng administrasyong Marcos, na palawakin ang programang “Build, Better, More” at isustine ito sa antas na lima hanggang anim na porsyento ng gross domestic product sa pamamagitan ng 2023 badyet ng DPWH. 


Nanawagan rin siya sa DPWH na isulong ang modernisasyon ng imprastraktura ng bansa, sa pamamagitan ng pagtitiyak na ito ay naaayon sa teknolohiya, katatagan sa klima at kalamidad, at tumutugon sa lumalagong populasyon. 


Binigyang-diin ni Committee Senior Vice Chairperson Rep. Stella Luz Quimbo (2nd District, Marikina City) ang mahalagang mandato ng DPWH sa pagpaplano at pagpapatupad ng public works, tulad ng mga kalsada, tulay, pagkontrol ng baha, at mapagkukunan ng tubig. 


Binanggit niya na magdadala ito ng mas maraming oportunidad para sa trabaho, pinaunlad na connectivity, maayos na daloy ng mga produkto at serbisyo, kabilang na ang pagbabawas ng gastusin sa pagnenegosyo. 


Sinabi ni Rep. Ronald Singson (1st District, Ilocos Sur), pangunahing isponsor ng badyet ng DPWH, na sa mga kaunlarang ito upang maging makatotohanan, kinakailangan ng ahensya ng sapat na pondo. 


Para kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, iniulat niya na pagtutuunan ng DPWH ang apat na pagsisikap sa imprastraktura, at ito ay: 1) Traffic Decongestion Program, 2) Integrated and Seamless Transport System, 3) Livable, Sustainable, and Resilient Communities, at 4) Convergence and Rural Road Development Program. 


Binanggit ni Quimbo na ngayon ang huling araw ng budget briefings sa lebel ng Komite at sisimulan na ang debate sa plenaryo sa susunod na linggo.

MGA KRIMEN SA POGO OPERATIONS NA NAGPAPALAYO SA INVESTORS, MAINAM NA I-BAN NA ANG POGO SA PILIPINAS - REP. GARIN

Nanawagan si House Committee on Appropriations Vice Chairman at Iloilo Rep. Janette Garin sa Senado at sa mga kapwa mambabatas nito sa House of Representatives na gumawa ng hakbang para ma-ban na sa bansa ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) kasunud na rin ng mga insidente ng kidnapping, pagdukot at iba pang illegal na aktibidad na kinasasangkutan ng mga Chinese nationals.


Ayon kay Garin ang ganitong mga insidente ay may matinding epekto sa imahe ng Pilipinas sa international community at syang dahilan para umiwas ang mga foreign investors.


 “Now that we are opening up our economy and kidnapping and human trafficking headlining our daily news, it is driving away investors considering that its creating a misinformation that the Philippines is not safe,” pahayag ni Garin kung saa tinukoy nito ang naging operasyon kamakailan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group kung saan 42 Chinese nationals sa Angeles City, Pampanga na biktima ng human trafficking ang nasagip.


Ipinagmamalaki ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang malaking revenue na nakukuha sa POGO na syang unang dahilan kung bakit hindi ito dapat na ipahinto gayunpaman para kay Garin hindi sapat ang kita kung kapalit naman ay mga krimen na syang nakasisisira sa bansa.


 ‘It has become a door to several crimes. The Philippine Offshore Gaming Operators hubs have become havens for undesirable aliens, drug and human trafficking, prostitution and other crime syndicates for money laundering and illicit operations,”paliwanag ni Garin.


Sinuportahan ni Garin ang nauna nang pahayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na pumapabor din sa pagpapahinto ng operasyon ng POGO dahil na rin sa masamang reputasyon na dinudulot nito. 


“China and Cambodia have banned gambling because of the ill-effects it had brought and the Philippines should learn from their experience, we should not disregard the negative and deleterious effects that have risen with the continued operation of POGO in our country,” dagdag pa ng mambabatas.


Ang underground operation ng POGO sa Pilipinas ay nagsimula noon pang 2003 subalit noong 2016 ay tumodo ang operasyon nito matapos isalegal sa ilalim ng termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Batay sa datos noong 2019 ay nasa 138,000 ang Chinese nationals na nagtatrabaho sa POGO at sa nasabing bilang ay 83,760 ang may special work permits kaya nakakapanatili ito sa bansa ng hanggang 6 na buwan habang 17% naman ay mga Filipino na karaniwang trabaho sa POGO ay mga driver, helper at security guards(end)

TINAPYAS NA PONDO PARA SA CANCER FUND, INAPELA NG MGA MAMBABATAS NA IBALIK NG DOH

Kamara hahanapan ng alokasyon ang tinapyas na pondo para sa cancer funds ng DOH.


Dumarami na ang mga mambabatas na umaapela na ibalik ang tinapyas na pondo ng department of health na 500-million peso cancer fund.


Bukod kay house deputy speaker ralph recto, nakiisa na rin si house deputy minority leader bernadette herrera ng bagong henerasyon partylist para mahanapan ng alokasyon ang DOH sa naturang programa.


Sa budget briefing ng house appropriations committee sa 2023 budget ng DOH, sinabi ni health OIC maria rosario vergeire, hindi kasama ang cancer fund sa national expenditure program na isinumite ng DBM.


Paliwanag ni vergeire, mahalaga ang naturang pondo para mabigyan ng tulong-pinansiyal at medical assistance ang mga mahihirap pasyente na may cancer.


Ayon kay herrera, malaki ang naitutulong ng naturang programa para maging accessible at abot-kaya sa mga mahihirap ang pagpapagamot.


Ang national integrated cancer control program ay naisabatas noong february 2019 ni dating pangulong rodrigo duterte para magsilbing framework  para sa lahat ng cancer-related activities ng gobyerno.

SEPTEMBER 17 EPISODE: Imbestigahan na ang mga Doktor at Pharma Company sa MLM Scam

 3rd Session on MLM


SEPTEMBER 17 EPISODE: Imbestigahan na ang mga Doktor at Pharma Company sa MLM Scam


Mga Ka Tropa, nagbabalik tayo para pag-usapan ang scam na nagaganap ngayon sa medical industry. 

 

Dalawang linggo na po natin pinag-uusapan ang taktika ng mga scammer na doktor na talamak sa mga cardiologist. Ang sistema kasi nagkakaroon ng doble na prescription o mixed prescription sa mga pasyente kahit hindi naman talaga kailangan ang inumin o ang gamot. Ito ay dahil kailangan habulin nila ang quota para makuha ang mga cash incentives. 

 

Kaya sana sa mga opisyal ng gobyerno partikular sa ahensya ng Bureau of Internal Revenue, Department of Health, at Professional Regulatory Board, sana mabantayan ninyo mabuti ang mga doktor na lumalabag sa code of ethics partikular na sa Mexico City principles. 

 

Nalaman natin ang kwento dito dahil sa mga doktor na tapat sa kanilang mga tungkulin. Madaming nagtataka kung bakit ang bibilis ng kita ng mga kasamahan nila na kasapi ng pharmaceutical company na nagpapatakbo ng pyramiding. 

 

Ang akala daw nila eh mga batang doktor lang ang sangkot pero pati daw mga matagal na sa serbisyo ng panggagamot tulad ng mga department chairman ay nakakasama na at ganito na ka talamak ang scam na ito. 

 

May isang institusyon daw ang sangkot dito at hindi muna namin papangalanan. Pero ito daw ay talamak sa isang ospital sa Quezon City. Ganito na nga daw ang mga nabibili ng mga doktor na sumasama sa multi-level marketing scam na ito. May naka Lexus daw, may bagong SUV daw, at madami pang mga materyales na bagay pa na napondohan ng quota system ng isang pharma company. 

 

Mayroon pa nga daw, nakapagpatayo pa ng botika. Yung iba pa nga daw house and lot na mamahalin. 

 

Kumakatok kami ngayon sa inyo BIR at DOH, buhay ng mamamayang Pilipino ang nakataya, sana masilip niyo ang mga ari-arian lalo na kung sa government hospital sila nagtratrabaho. Darating din sana ang panahon na ang Securities and Exchange Commission ay silipin ang pharma company na sangkot sa pyramiding para maipasara na at mapanagutan ng may-ari. 

 

Sa susunod na Sabado, mga ka tropa, ipapaliwanag namin kung paano ang recruitment ng pharma company na ito. Abangan! 

###

Huwebes, Setyembre 15, 2022

DALAWANG ARAW NA PAGPROSESO NG MGA DIPLOMATIC PASSPORTS NG MGA KINATAWAN NG KAMARA, ISINAGAWA

Matagumpay na naidaos ngayong ika-13 at 14 ng Setyembre 2022 ng Inter-Parliamentary and Public Affairs Department (IPAD) sa Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Deputy Secretary-General Atty. Grace Andres, at sa pamamagitan ng Travel Support Service (TSS), ang Passport on Wheels (POW) para sa pagproseso ng diplomatic passport ng mga mambabatas. 


Pinangasiwaan at pinamunuan ni TSS Director Maria Arlene Figueroa ang kaganapan, habang pinamahalaan naman nina DSG Andres, Inter-Parliamentary Relations and Special Affairs Bureau (IPRSAB) Executive Director Lourdes Rajini Rye, at Deputy Executive Director Rosemarie Santos ang pangkalahatang pagpapatupad ng proyekto. 


Samantala, namahagi naman ang Press and Public Affairs Bureau (PPAB) ng ilang larawan ng kaganapan at mga kopya ng direktoryo ng Kapulungan bilang sanggunian ng DFA Office of Consular Affairs, ayon kay Figueroa.  


Sa pamamagitan ng POW Program na ito, nagagawa ng Department of Foreign Affairs na makipag-ugnayan at maglingkod sa mga aplikante ng pasaporte na matatagpuan sa mga opisina, ospital, subdivision at paaralan sa buong bansa.

PANUKALANG BATAS NA MAGPAPALAWIG SA IMPLEMENTASYON NG AGRICULTURAL COMPETITIVENESS ENHANCEMENT FUND (ACEF), TINALAKAY

Nagsagawa ngayong Huwebes ng kanilang paunang deliberasyon ang Komite ng Agriculture and Food sa Kapulungan ng mga Kinatawan, sa House Bill 2385 na magpapalawig pa sa panahon ng implementasyon ng Agricultural Competitiveness Enhancement Fund (ACEF), na layong amyendahan ang RA 8178, na dati ng naamyendahan, o ang Agricultural Tariffication Act. 


Ayon kay Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, tagapangulo ng Komite at may akda ng panukala, na nakasaad sa explanatory note ng kanyang panukala na ang dahilan kung bakit nilikha ang ACEF mahigit 20 taon na ang nakararaan, ay upang gawing mas agresibo ang agrikultura ng bansa. 


“This remains valid and relevant in the challenging years ahead. Thus, we need all the help we can get and all the resources we can tap on how to intensify the preparedness of Philippine agriculture,” aniya.  


Sinabi pa ni Enverga na ang mandato ng ACEF ay hindi lamang para palakasin ang produksiyon ng agrikultura, kungdi ang makapagpatapos ng mga mag-aaral na may kursong agrikultura.  


Sinabi ni Enverga sa pagdinig, na ang ACEF, alinsunod sa R.A. 8178, ay dapat makatanggap ng alokasyon mula sa mga nalikom sa pag-aangkat ng minimum access volume (MAV) mula sa mga produktong pang-agrikultura, na gagamitin para sa pagpapaunlad ng mga sakahan o imprastraktura at makinarya ng agrikultura, gayundin ang suportahan ang pagpapahusay ng pandaigdigang pakikipagkumpitensya sa kalakalan, upang mapabuti ang buhay ng maliliit na magsasaka at iba pang nagsusulong sa agrikultura. 


Tinukoy niya na ang mga taripa na nakolekta ay hindi naisip na ipamahagi bilang mga dibidendo sa anyo ng conditional cash transfer (CCT). 


Sa halip, sinabi niya na ang layon ng ACEF ay ang magtayo ng mga sistema ng irigasyon, mga kalsada ng farm-to-market, mga kagamitan at pasilidad sa post-harvest, magpautang, gayundin, ang magamit para sa pananaliksik at pagpapaunlad, at iba pa. 


Samantala, upang mapabilis ang pagpapatupad ng ACEF, sinabi ni Agriculture Undersecretary Rodolfo Vicerra na dapat magkaroon ng mas matatag na proseso ng pagpaplano, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na dalubhasa. Binigyang-diin niya na may mga state universities and colleges (SUCs) sa mga lalawigan na makakatulong sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa bawat distrito. 


Sa bahagi ng mga LGU, kinakalingang mayroon silang partikular na mga plano sa pagpapaunlad ng proyekto, sabi ni Vicerra. Naobserbahan naman ni Agusan del Sur Rep. Eddiebong Plaza na walang malinaw na Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas ang DA. 


Tinukoy niya na dapat dumiskarte ang DA upang makatiyak na aabot sa ordinaryong mamamayan ang malilikom na pondo, mula sa mga taripa sa pag-angkat ng mga produktong agrikultura.

ThinkExist.com Quotes