Linggo, Nobyembre 06, 2022

AGUSAN DEL NORTE REP. DALE CORVERA, NAHIRANG BILANG WORLD SCOUTS PARLIAMENTARY UNION (WPSU) EXECUTIVE COMMITTE MEMBER

Hinirang bilang miyembro ng Executive Committe ng World Scout Parliamentary Union (WSPU) si Agusan del Norte 2nd District Rep. Dale Corvera sa idinaos na 10th General Assembly sa Jeonju City, Jeollabuk-do Province sa Republic of Korea noong October 31 hanggang November 2, 2022 para sa terminong 2022 hanggang 2025.


Ang WSPU ay isang lupon na nag-uugnay sa Scout-oriented na mga mambabatas sa buong daigdig upang mapatatag ang National Scout Organizing sa pang-nasyunal na antas at matugunan ang kanilang mga problema at ng komunidad na kanilang ginagalawan.


Dahil dumarami ang mga parliyamento sa mundo na nagtatag ng mga National Scouts Parliamentary Association (NSPA), na susuporta sa mga inisyatiba at pagsasabatas kaugnay sa mga kabataan, nais ng WSPU na magawaran ang Scouting Movement ng sapat na pakikipag-ugnayan sa mga mambabatas sa usaping youth empowerment at nation building.


Kasama ni Rep. Corvera sa naturang pagtitipon sina Rep. Jose Manuel Alba ng Bukidnon, Rep. Peter Miguel ng South Cotabato at Asia-Pacific Regional Director JR Pangilinan bilang technical adviser.

GAMOT SA LEPTOSPIROSIS NA DOXYCYCLINE, DAPAT AVAILABLE SA MGA BARANGAY AT EVACUATION CENTER

Iminungkahi ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin sa Department of Health(DOH) na ipreposition ang doxycycline drug, ang gamot para sa leptospirosis, sa mga barangay at maging sa paaralan na ginagamit na evacuation center upang agad na magamit sa panahon ng kalamidad.


Ginawa ni Garin ang rekomendasyon matapos ang kanyang obserbasyon sa naging pananalaasa ng Bagyong Paeng na nahirapan ang mga District, Provincial at Local Government Units(LGUs) na agad na makapagbigay ng doxycycline sa mga apektadong residente dahil ang supply nito ay kukunin pa sa DOH Regional Offices.


Inilagay ng DoH sa mga Regional Offices ang mga gamot at medical supplies nito bilang paghahanda sa Bagyong Paeng, gayunpaman nang manalasa na ang bagyo ay nahirapan nang ibaba ang gamot sa mga LGUs partikular na ang kinakailangang doxycycline.


Ayon kay Garin, sa kanyang distrito sa Iloilo First District ay 6 na araw matapos ang Bagyong Paeng saka nakarating ang doxycycline habang may ilang lalawigan na matinding tinamaan ng bagyo ang  hindi pa ito napapakinabangan hanggang sa kasalukuyan.





“Leptospirosis is a preventable disease pero ang nangyayari sa atin huli na yung prophylaxis na para sana sa prevention. Doxycycline to be effective should be initiated as soon as possible”paliwanag ni Garin na isang doctor.



 “yung oras ay mahalaga, makainom agad lalo na yung mga high risk individuals pero ang naging problema ay naputol na ang communicaton lines, nasira ang tulay, may ginagawang clearing operations kaya paano mapick up ang gamot, matatagalan talaga. So nawala na yung importansya nito na para sana sa prevention”dagdag pa nito.


Umaasa si Garin na rerebyuhin ng DoH ang prepositioning ng doxycyxline lalo isa ito sa mga gamot na kailangan sa panahon na may kalamidad. 


“we are proposing a more practical and responsive solution to prevention of leptospirosis. We should target zero leptospirosis post flooding, Hinahabol natin ang protection because leptospirosis easily reaches irreversible stage. Prevention is still the best”giit ni Garin.


Ang leptospirosis ay nakukuha mula sa kontaminadong ihi ng mga hayop, ang bacteria ay maaring pumasok sa mga sugat, mata, ilog at bibig. 


Ang unang sintomas ay maaaring lumabas sa loob ng 2 hanggang 14 araw, kabilang dito ang mataas na lagnat, pananakit ng ulo, muscle pain, chills, pamumula ng mata, sakit ng tiyan, jaundice, pagsusuka ,diarrhea at rash.  Kung hindi maagaapan ay maaari itong magresulta sa kidney damage, meningitis, liver failure, respiratory distress o kamatayan.


Napatunayan na ng mga experto na nakatutulong ang doxycycline upang hindi magkaroon ng malalang kaso ng leptospirosis at alinsunud sa “Interim Guidelines on the Prevention of Leptospiros through the use of prophylaxis in Areas Affected by Floods” na ipinalabas ng DOH ay dapat mibigay ito sa mga apektadong indibidwal sa loob ng 24 hanggang 72 oras mula maexpose sa kontaminadong tubig.

Biyernes, Nobyembre 04, 2022

PAGDIRIWANG NG HREP MONTH 2022, MATAGUMPAY NA WINAKASAN NG KAMARA

Napuno ng musika, pagkain at tawanan ang kapaligiran nitong nakaraang Huwebes ng hapon ng ang mga opisyal at kawani ng Secretariat ng Kamara, gayundin ang mga congressional staff, ay nagtipun-tipon upang makibahagi sa pagtatapos ng isang buwang pagdiriwang ng Ika-115 Anibersaryo ng pagkakatatag ng Kapulungan. 


Kasama sa pangwakas na aktibidad ngayong taon na isinagawa sa HRep Complex rear entrance ang mga papremyo sa paripa at ang paggawad sa mga nagsipagwagi mula sa iba't ibang mga laro at aktibidad. 


Sa kanyang malugod na mensahe, sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na pinahina ng pandemya dulot ng COVID-19 ang ugnayan at pagkakaisa ng iba't ibang tanggapan dahil sa kawalan ng harap-harapang pakikipag-ugnayan.  


"With this year's theme, ‘One House, One Voice,’ we made sure that all the events will surely bring each other, each employee closer," ani Velasco. 


Nagkaroon din siya ng pagkakataong maibahagi ang kanyang hilig sa pag-awit sa pamamagitan ng pagharana sa mga nanonood na ikinasaya ng lahat. 


Sa isang buwang selebrasyon, nakibahagi ang mga kawani secretariat at ng congressional staff sa mga seminar at webinar na magpapaunlad ng kanilang kaalaman, mga one-stop shop para sa mga serbisyo ng pamahalaan, mga e-jeep para sa madaling transportasyon, gayundin ang mga libreng mga medikal na pagsusuri, konsultasyon at mga gamot. 


Ang iba pang mga aktibidad ay ang "Makata sa Pandemya:" isang paligsahan sa pagsulat ng tula, Blood Olympics, Photolympics, Hula-hula House, mashup quiz bee, cheering competition, e-games, Palaro ng Lahi, at multi-sports pocket tournament. 


Nagtanghal ang Plethora Band sa pangwakas na aktibidad at pinasaya rin ng mga sikat na personalidad tulad nina Negi, Petite, at Ate Gay ang mga manonood sa kanilang talastasan at pagtatanghal ng stand-up comedy, na masayang tinanggap ng mga manonood ng Kamara. 


Samantala, sa kanyang pangwakas na mensahe, pinasalamatan ni Finance Department Deputy Secretary General Dante Roberto Maling ang mga Kinatawan ng Kapulungan, mga kawani ng secretariat, at Congressional staff sa kanilang kontribusyon sa matagumpay na pagdiriwang ng HRep Month 2022.

MUNGKAHI NG NDRRMC NA ISAILALIM SA STATE OF CALAMITY ANG BUONG BANSA, TINUTULAN SA KAMARA

Mariing kinontra ni Manila 3rd district Representative Joel Chua ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na isailalim ang buong bansa sa state of calamity sa loob ng isang taon.


Sinabi ni Chua na tama ang posisyon ni President Ferdinand Bongbong Marcos Jr na hindi sapat ang kasalukuyang sitwasyon para maging basehan ng deklarasyon ng state of calamity ng ganun katagal.


Ayon sa kanya, ang hagupit ng bagyong Paeng ay hindi naman sumaklaw sa lahat ng rehiyon sa bansa.


Higit na nababahala si Chua na pabigla-bila at hindi pinag-iisipang mabuti ng NDRRMC ang rekomendasyon nito.

Huwebes, Nobyembre 03, 2022

PAGPAPALAKAS NG DIVING AT TRAVEL INDUSTRIES SA BANSA, ITATAGUYOD NI REP. JINKY LUISTRO

Bilang pagtugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na muling pasiglahin ang turismo ng bansa, sumama si Batangas 2nd District Representative Gerville “Jinky Bitrics” Luistro kina Tourism Secretary Christina Frasco upang dumalo sa Dive Equipment and Marketing Association (DEMA) Show 2022 na ginanap noong November 1 hanggang November 4 sa Orange County Convention Center sa Orlando, Florida, sa Estados Unidos.


Pangunahing itataguyod ni Rep. Jinky sa DEMA ang Batangas dive sites, Marine Sanctuary Verde Island Passage na magpapalakas sa local tourism ngayong post-covid at makapagbibigay ng kabuhayan sa ating lokal na kababayan.


Sinabi ng mambabatas na ang convention na ito ang pinakamalaking magnet ng mga turista na mahilig sa diving at makahihikayat ito ng daan-daang exhibitors at libo-libong dive at travel industry professionals na magpunta sa ating bansa.


Ayon pa sa kanya, isa sa kanyang legislative priorities ang Verde Island Passage na kilala sa tawag na VIP, isang makipot na lagusan na naghihiwalay sa Luzon at Mindoro.


Si Rep. Jinky ay kasalukuyang Vice Chairperson ng House Committee on Tourism.

Miyerkules, Nobyembre 02, 2022

PAHAYAG NG PAGSUPORTA SA PANUKALANG DPWH DISTRICT OFFICE SA BARMM

Nagpahayag ng buong suporta si Basila Rep. Mujiv Hataman sa panukala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumuo ng isang district office para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM para mapabilis ang pag-aayos ng mga nasirang daan at tulay dulot ng Bagyong Paeng.


Sinabi ni Rep. Hataman na naging panawagan na niya ito noong 18th Congress pa lamang.


Ayon sa kanya, maraming daan at tulay ang napinsala sa pananalasa ng nakaraang bagyo, at marami dito ang hindi madaanan, bagay na nagpapahirap sa pagpapadala ng tulong sa mga mamamayang nasalanta ng kalamidad.


Nakikita rin umano niya ang kahalagahan ng pagtatayo ng isang tanggapan ng DPWH sa BARMM na mangangasiwa hindi lamang sa pagkumpuni ng mga damaged infrastructure dulot ng Bagyong Paeng, kundi pati na rin sa patuloy na implementasyon ng national projects na pinopondohan ng pamahalaan.




Noong nakaraang Kongreso, kasama ang mga BARMM representatives, nag-file siya ng isang resolution na humihiling na magtayo ng National DPWH office sa BARMM. Ito ay nakapaloob sa Resolution No. 333 na nai-file niya, kasama sina Datu Roonie Sinsuat Sr. at Esmael Mangudadatu ng Maguindanao, si Munir Aribson ng Sulu, si Rashidin Matba ng Tawi-tawi, si

Yasser Balindong at Ansaruddin Adiong ng Lanao del Sur, at si Amihilda Sancopan ng Anak Mindanao, na pawang mga kinatawan sa 18th Congress noon.


Nakita na umano niya noon na may kahirapan ang implementasyon ng national infrastructure projects sa BARMM dahil sa kawalan ng national office ng DPWH dito. Sayang lamang at hindi naisabatas o nagawa ang nilalaman ng ating resolusyon noon.


Idinagdag pa niya na praktikal na mungkahi ang pagbubuo ng district engineering office ng DPWH sa bawat lalawigan ng BARMM upang mapangalagaan ang mga pambansang daanan o national highways, kaya ito isinulong ng mga Bangsamoro representatives noong 18th Congress. 


Ito upang maiwasan ang magturuan kung sino ang mangangalaga ng mga kalsada pagdating ng panahon.


Hinilini Hataman sa 19th Congress at sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. na ituloy na ang pagtatayo ng DPWH District Engineering Offices sa bawat lalawigan ng BARMM para sa mga ganitong pagkakataon na kailangang mag-implement ng mga national projects sa BARMM, pangalagaan ang mga national roads and highways, at para sa mabilis na pag-responde sa ganitong mga pagkakataon.


Diin pa niya na ito ay para sa ikagiginhawa ng mga mamamayan sa Bangsamoro at sa ikauunlad ng BARMM.

ThinkExist.com Quotes