Lunes, Setyembre 12, 2022

ALOKASYON PARA MGA KABABAIHANG NASA REPRODUCTIVE AGE AY ₱287 LAMANG AYON SA DOH

Aabot lamang sa P287 bawat isa ang alokasyon para sa 3 milyong kababaihan sa “reproductive age,” sa ilalim ng panukalang 2023 budget ng Department of Health o DOH.


Lumutang ito sa budget briefing ng House Committee on Appropriation para sa panukalang pondo ng kagawaran.


Nagtanong si Albay Rep. Edcel Lagman sa DOH ukol sa implementasyon ng Reproductive Health Law, at pondo para sa susunod na taon.


Sinabi ni DOH OIC Ma. Rosario Vergeire na ilalim ng 2023 National Expenditure Program, aabot sa 3 milyong kababaihan ang sakop nito.


Ayon naman kay DOH Usec. Beverly Ho, mula sa P301 billion na budget ng DOH sa 2023 ay nasa P863 million ang laan para sa reproductive health at family planning commodities, na tumaas kumpara sa pondo ngayong 2022.


Dagdag dito ang P50 million para sa health promotions at communication campaigns, maging “grants” pagtatayo ng adolescent at sexual reproduction friendly health services ng mga lokal na pamahalaan.


Pero napuna ito ni Lagman, lalo’t lalabas na P287 lamang ang mailalaan para sa bawat babaeng benepisyaryo. Tanong niya, sasapat ba ang naturang halaga?


Tugon naman ni Vergeire, base sa komputasyon ay masasabing hindi sapat ang pondo. Pero may ibang sektor o ahensya naman na nagbibigay ng suporta.


Sakaling namang mayroong “room” para sa dagdag-alokasyon, ito aniya ay ikalulugod ng DOH at magiging malaking-bagay para sa mga kababaihan, ayon kay Vergeire.

ThinkExist.com Quotes