KAWALAN PA RIN NG PONDO PARA SA SPECIAL RISK ALLOWANCE NG HEALTH CARE WORKER, KINUMPIRMA NG DOH
Kinumpirma ni Department of Health o DOH OIC Ma. Rosario Vergeire na “unfunded” o wala pa ring pondo ang nasa isang bilyong pisong Special Risk Allowance o SRA ng health care workers sa bansa.
Sa budget briefing ng House Committee on Appropriations, nagtanong si ACT Teachers PL Rep. France Castro hinggil sa usapin ng SRA, dahil marami pa aniyang hindi nakatatanggap nito, makalipas ang dalawang taong pandemya.
Ayon kay Vergeire, ang halaga ng naturang SRA na walang pondo ay aabot sa isang bilyong piso.
Nakipag-usap na aniya ang DOH sa Department of Budget and Management ukol sa SRA ng nasa 55,844 na health care workers. Gayunman, naghihintay pa umano ang DOH ng tugon mula sa DBM.
Sa naturang briefing ay present naman via Zoom ang direktor ng DBM na si Sofia Abad na nagsabing patuloy pa raw ang evaluation sa request ng DOH para sa SRA ng health care workers.
Ang dagdag na attachments at documentary requirement na hiningi sa DOH ay natanggap lamang ng DOH noong Sept. 6.
Pero ang tanong ni Castro, mababayaran na ba ang health care workers kapag naisumite na ang mga requirement?
Ayon kay Abad, mayroon na aniyang natukoy na potensyal na budget source ang DBM para masakop ang hiling ng DOH, at masasabing sapat naman ito.
0 Comments:
Mag-post ng isang Komento
<< Home