Huwebes, Setyembre 15, 2022

PAGDINIG SA P1.960-B PANUKALANG BADYET NG CSC, TINAPOS NG KOMITE

Tinapos ngayong Huwebes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang pagdinig sa P1.960-bilyong badyet ng Civil Service Commission (CSC) para sa taong 2023. 

Ang iminungkahing pondo ay bahagyang tumaas sa kasalukuyang badyet ng Komisyon na P1.896-bilyon. 


Binigyang-diin ni Senior Vice-Chair at Marikina City Rep. Stella Quimbo ang mahalagang papel ng CSC sa national economic agenda. 


Sinabi niya na ang mga kontribusyon ng CSC ay magiging kritikal sa mahusay na paghahatid ng mga serbisyo ng gobyerno, lalo na sa maraming malalaking programa sa pagbawi ng ekonomiya. 


Sa interpelasyon, tinanong ni ACT TEACHERS Party-list Rep. France Castro si CSC Chairman at dating mambabatas na si Karlo Alexei Nograles, tungkol sa mga hakbangin ng ahensya na bawasan ang bilang ng mga manggagawa sa Contract of Service (COS) at Job Orders (JOs), sa iba't ibang institusyon ng gobyerno. 


Ayon kay Nograles, isa sa mga pangunahing hadlang sa regularisasyon ng ilang kawani ng gobyerno ay ang Civil Service Examinations (CSE). 


Ipinaliwanag niya na ang CSC ay naglalayon na magpatupad ng isang preferential rating system, kung saan ang haba ng serbisyo ng COS at JOs ay idadagdag sa kanilang raw score, upang makamit ang 80 porsiyentong passing rate sa CSE. 


Aniya, noong Hunyo 30, 2022, mayroong kabuuang 642,077 COS at JO sa mga National Government Agencies (NGA), Local Government Units (LGUs), State Universities and Colleges (SUCs), Local Water Districts, at Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs). 


Samantala, sinabi ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na may karagdagang P766-milyon ang maaring idagdag sa badyet ng CSC, para matiyak na mabisa nilang magagampanan ang kanilang mandato.

ThinkExist.com Quotes