PAGTALAKAY SA P717.3-B PANUKALANG BADYET NG DPWH, TINAPOS NA NG KOMITE NG APPROPRIATIONS
Tinapos ngayong Biyernes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list, AKO BICOL), ang P717.31-bilyong panukalang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2023.
Tinyak ni Co na ang lupon ay determinadong suportan ang mga hangarin ng administrasyong Marcos, na palawakin ang programang “Build, Better, More” at isustine ito sa antas na lima hanggang anim na porsyento ng gross domestic product sa pamamagitan ng 2023 badyet ng DPWH.
Nanawagan rin siya sa DPWH na isulong ang modernisasyon ng imprastraktura ng bansa, sa pamamagitan ng pagtitiyak na ito ay naaayon sa teknolohiya, katatagan sa klima at kalamidad, at tumutugon sa lumalagong populasyon.
Binigyang-diin ni Committee Senior Vice Chairperson Rep. Stella Luz Quimbo (2nd District, Marikina City) ang mahalagang mandato ng DPWH sa pagpaplano at pagpapatupad ng public works, tulad ng mga kalsada, tulay, pagkontrol ng baha, at mapagkukunan ng tubig.
Binanggit niya na magdadala ito ng mas maraming oportunidad para sa trabaho, pinaunlad na connectivity, maayos na daloy ng mga produkto at serbisyo, kabilang na ang pagbabawas ng gastusin sa pagnenegosyo.
Sinabi ni Rep. Ronald Singson (1st District, Ilocos Sur), pangunahing isponsor ng badyet ng DPWH, na sa mga kaunlarang ito upang maging makatotohanan, kinakailangan ng ahensya ng sapat na pondo.
Para kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, iniulat niya na pagtutuunan ng DPWH ang apat na pagsisikap sa imprastraktura, at ito ay: 1) Traffic Decongestion Program, 2) Integrated and Seamless Transport System, 3) Livable, Sustainable, and Resilient Communities, at 4) Convergence and Rural Road Development Program.
Binanggit ni Quimbo na ngayon ang huling araw ng budget briefings sa lebel ng Komite at sisimulan na ang debate sa plenaryo sa susunod na linggo.
0 Comments:
Mag-post ng isang Komento
<< Home