Huwebes, Setyembre 15, 2022

PANUKALANG BATAS NA MAGPAPALAWIG SA IMPLEMENTASYON NG AGRICULTURAL COMPETITIVENESS ENHANCEMENT FUND (ACEF), TINALAKAY

Nagsagawa ngayong Huwebes ng kanilang paunang deliberasyon ang Komite ng Agriculture and Food sa Kapulungan ng mga Kinatawan, sa House Bill 2385 na magpapalawig pa sa panahon ng implementasyon ng Agricultural Competitiveness Enhancement Fund (ACEF), na layong amyendahan ang RA 8178, na dati ng naamyendahan, o ang Agricultural Tariffication Act. 


Ayon kay Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, tagapangulo ng Komite at may akda ng panukala, na nakasaad sa explanatory note ng kanyang panukala na ang dahilan kung bakit nilikha ang ACEF mahigit 20 taon na ang nakararaan, ay upang gawing mas agresibo ang agrikultura ng bansa. 


“This remains valid and relevant in the challenging years ahead. Thus, we need all the help we can get and all the resources we can tap on how to intensify the preparedness of Philippine agriculture,” aniya.  


Sinabi pa ni Enverga na ang mandato ng ACEF ay hindi lamang para palakasin ang produksiyon ng agrikultura, kungdi ang makapagpatapos ng mga mag-aaral na may kursong agrikultura.  


Sinabi ni Enverga sa pagdinig, na ang ACEF, alinsunod sa R.A. 8178, ay dapat makatanggap ng alokasyon mula sa mga nalikom sa pag-aangkat ng minimum access volume (MAV) mula sa mga produktong pang-agrikultura, na gagamitin para sa pagpapaunlad ng mga sakahan o imprastraktura at makinarya ng agrikultura, gayundin ang suportahan ang pagpapahusay ng pandaigdigang pakikipagkumpitensya sa kalakalan, upang mapabuti ang buhay ng maliliit na magsasaka at iba pang nagsusulong sa agrikultura. 


Tinukoy niya na ang mga taripa na nakolekta ay hindi naisip na ipamahagi bilang mga dibidendo sa anyo ng conditional cash transfer (CCT). 


Sa halip, sinabi niya na ang layon ng ACEF ay ang magtayo ng mga sistema ng irigasyon, mga kalsada ng farm-to-market, mga kagamitan at pasilidad sa post-harvest, magpautang, gayundin, ang magamit para sa pananaliksik at pagpapaunlad, at iba pa. 


Samantala, upang mapabilis ang pagpapatupad ng ACEF, sinabi ni Agriculture Undersecretary Rodolfo Vicerra na dapat magkaroon ng mas matatag na proseso ng pagpaplano, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na dalubhasa. Binigyang-diin niya na may mga state universities and colleges (SUCs) sa mga lalawigan na makakatulong sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa bawat distrito. 


Sa bahagi ng mga LGU, kinakalingang mayroon silang partikular na mga plano sa pagpapaunlad ng proyekto, sabi ni Vicerra. Naobserbahan naman ni Agusan del Sur Rep. Eddiebong Plaza na walang malinaw na Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas ang DA. 


Tinukoy niya na dapat dumiskarte ang DA upang makatiyak na aabot sa ordinaryong mamamayan ang malilikom na pondo, mula sa mga taripa sa pag-angkat ng mga produktong agrikultura.

ThinkExist.com Quotes