ULAT NG KOMITE SA SUBSTITUTE BILL NG PANUKALANG “IMMIGRATION MODERNIZATION ACT”, INAPRUBAHAN
Inaprubahan ngayong Miyerkules ng Komite ng Katarungan sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Negros Occidental Rep. Juliet Marie de Leon Ferrer, ang Ulat ng Komite sa Substitute Bill sa House Bills 127, 194, 274, 1069, 2398, 3300 at 4047, na babago sa Bureau of Immigration sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga kapangyarihan at tungkulin nito, lalo pa ang gawing propesyunal ang organisasyon nito, pagtataas sa kompensasyon at benepisyo ng mga opisyal at empleyado nito, at paglalaan ng mga pondo para dito.
Ang pinagsama-samang mga panukalang batas ay iniakda nina Ferrer, Reps. Jurdin Jesus Romualdo, Luis Raymund ‘LRay’ Villafuerte Jr., Minority Leader Marcelino Libanan, Reps. Marie Bernadette Escudero, Rufus Rodriguez, at Gus Tambunting, ayon sa pagkakabanggit.
Sinabi ni Ferrer na isinama ng Secretariat sa substitute bill ang mga komento at rekomendasyon ng Department of Justice at Department of Foreign Affairs.
Sa kanilang pagpupulong noong ika-24 ng Agosto 2022, napagkasunduan ng mga kasapi ng Komite na gamitin ang HB 127 bilang pangunahing panukalang batas.
Iminumungkahi ng panukalang "Immigration Modernization Act" na ang mga polisiya, mga tuntunin at regulasyon sa imigrasyon ng Pilipinas ay dapat ipatupad at pangasiwaan bilang mga instrumento para sa pagtataguyod ng mga lokal at panlabas na interes ng bansa, alinsunod sa paghihikayat at pagpapahusay ng pamumuhunan sa kapital, kalakalan at komersiyo, palitan ng kultura, gayundin ang iba pang anyo ng pakikipag-ugnayan at pagtutulungan.
Ang substitute bill ay ipapadala sa Komite ng Appropriations para sa probisyon ng pagpopondo nito.
Samantala, inaprubahan din ng Komite ang mga Ulat ng Komite sa HBs 56, 115, 146, 244, 325, 413, 465, 477, 1597, 1717 & 3272, na lumilikha ng karagdagang sangay ng Regional Trial Court, Metropolitan Trial Court, Drug Court, Family Court, at Municipal Trial Court sa mga Lungsod sa ilang bahagi ng bansa, na layong amyendahan ang Batas Pambansa Blg. 129, o ang Judiciary Reorganization Act of 1980, na naamyendahan na, at paglalaan ng mga pondo para dito.
Ang mga panukalang batas ay iniakda nina Reps. Jaime Fresnedi, Roy Loyola, Edwin Olivarez, Antonio 'Tonypet' Albano, Alan 1 Ecleo, Carl Nicolas Cari, Wilter Palma, Laarni Lavin Roque, Yedda Marie Romualdez, Ruth Mariano-Hernandez, at Paolo Duterte, ayon sa pagkakabanggit. Panghuli, binigyan ng maikling oryentasyon ng mga opisyal ng mga sangay na ahensiya ng DOJ ang mga mambabatas hinggil sa kani-kanilang mandato at programa.
0 Comments:
Mag-post ng isang Komento
<< Home