Huwebes, Oktubre 20, 2022

LOKAL NA MGA SANGGUNIAN, PUWEDE NANG MAGTAKDA NG TRICYCLE LANES

Isinusulong sa Kamara ngayong 19th Congress ang panukalang bigyang-kapangyarihan ang mga lokal na sanggunian ng mga bayan at siyudad sa bansa na magtakda ng “tricycle lanes.”


Ito ang House Bill 2118 ni Camarines Norte Rep. Rosemarie Panotes.


Sa panukala, nilinaw na hindi saklaw ang “Metropolitan Manila” at sa halip ay ipauubaya sa Metro Manila Council ang pagpapasya sa usapin.


Kapag naging ganap na batas, ang mga lokal na pamahalaan ay magtatakda ng tricycle lanes sa mga pampublikong lansangan o highways sa kani-kanilang nasasakupan.  


Sa explanatory note ng House Bill, binanggit ni Panotes na napapanahon nang magkaroon ng tricycle lanes dahil sa ngayon, naglalaan pa aniya ng “extra effort” ang mga tricycle para makahanap ng mga road lane kung saan sila uubra.


Ang sitwasyong ito naman ay nagdudulot ng mga aksidente, at kinalauna’y matinding daloy ng trapiko.


Kaya kapag may tricycle lanes na, naniniwala si Panotes na maiiwasan ang mga aksidente; maisusulong din ang disiplina sa mga tsuper ng tricycle at iba pang sasakyan dahil maoobliga sila na manatili sa road lanes na para sa kanila; at mahihinto ang paglilipat-lipat ng linya sa kalsada upang iwas-away sa mga drayber, iwas-aksidente at iwas-abala sa biyahe.

ThinkExist.com Quotes