Lunes, Mayo 08, 2017

Droga, pangunahing dahilan sa pagpapaliban ng barangay election

Narco-politics ang nakikitang dahilan ng mga mambabatas na posibleng mag-iimpluwensya sa darating na synchronized barangay at SK elections kaya’t masusing pinag-aaralan ng House committee on suffrage and electoral reforms ang tatlong panukala na naglalayong ipagpaliban ang halalang pambarangay na nakatakdang ganapin ngayong buwan ng Oktubre bilang suporta sa kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga.

Sinabi ni CIBAC Partylist Rep Sherwin Tugna, chairman ng komite, na kanilang titiyakin na walang lalabagin sa Saligang Batas ang planong pagpapaliban sa nakatakdang halalan kungdi tugunan ang nakakaalarmang malawak na kaugnayan ng iligal na droga na kinasasangkutan ng mga opisyales at kabataan na namumuno sa mga barangay.

Kaugnay nito ay pag-aaralan din ang pagtatalaga ng officers-in-charge sa barangay sa pagtatapos ng termino ng mga nakaupong opisyales.

Ang mga panukalang tatalakayin ng komite ay ang HB05359, HB05361 at HB05380, na iniakda nina Surigao del Norte Reps Robert Ace S. Barbers, Marinque Rep Lord Allan Q. Velasco, at ANAC-IP Partylist Rep Jose T. Panganiban Jr., ayon sa pagkakasunod, at naglalayong ipagpaliban ang October 2017 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, at ang pagtatakda nito sa ika-4 na Lunes ng Oktubre 2018.

Ang mga susunod na petsa ng bawa’t halalan ay isasagawa matapos ang tatlong taon.

Nakasaad din sa mga panukala na bibigyan ng kapangyarihan si Pangulong Duterte na magtalaga ng mga pansamantalang opisyales sa babakantehing posisyon sa pagtatapos ng termino ng mga nakaupong opisyales hanggang sa petsa ng itinakdang halalan sa taong 2018.

Ayon kay Rep Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs, ang barangay ang sandigan ng mga ordinaryong mamamayan sa mapayapang pamumuhay sa pamayanan kaya’t nararapat lamang na ang mga naglilingkod na opisyales dito ang pangunahing tagapagtanggol at tagasulong ng kampanya ng pamahalaan laban sa droga.

Subali’t papaano maisusulong ang laban kontra droga kung mismong ang mga opisyales ng barangay ang mga protektor nito. Idinagdag niya na mismong si Pangulong Duterte ang nagnanais na ipagpaliban ang halalan sa barangay dahil ayaw niyang magwagi ang mga kandidatong protektado ng drug money.

Naniniwala si Panganiban na talamak na ang iligal na droga sa buong bansa at laganap na ito sa pangunahing institusyon ng pamahalaan, ang barangay, na hindi mapapabulaanan ng mga ulat na umaabot na sa 40,000 barangay officials ang sangkot sa droga.

Sinabi ni Velasco, chairman ng committee on energy, na dapat lang na ipagpaliban ang halalang pambarangay ngayong taon at ang pagtatakda nito sa lalong madaling panahon upang mapaghandaan ito ng maigi ng pamahalaan at ng mga mamamayan.

Dapat din aniya na ikonsidera sa pagpapaliban ng barangay elections ang pagtatakda nito sa parehong petsa ng national presidential elections dahil sa posibleng dagdag na gastos sa pondong inilalaan para dito.
ThinkExist.com Quotes