Lunes, Mayo 08, 2017

RH law, nanganganib sa pagka-ubos ng contraceptives


Nangangamba ang mga kababaihan sa mabilis na pagka ubos ng contraceptive supplies at mga kahalintulad na gamot sa merkado na nagbabanta ng panganib hindi lamang para sa birth control kungdi pati na rin lunas sa iba’t ibang sakit ng mga ina ng tahanan.

Nagbabala si House Deputy Speaker Pia S. Cayetano sa dinaluhang forum sa harap ng mga mamahayag sa Taguig City na kapag hindi inalis ang temporary restraining order (TRO) sa pagsesertipika ng mga contraceptive products sa bansa ay tuluyan na itong mauubos sa taong 2020 at malalagay sa panganib ang kalusugan ng mga kababaihan na umaasa sa lunas na hatid ng mga ito sa iba’t ibang karamdaman.

Matatandaang naglabas ang Kataastaasang Hukuman ng kontrobersyal na TRO noong ika-17 ng Hunyo, 2015, na nagbabawal sa Food and Drugs Administration (FDA) na mag isyu ng certificate of registration para sa iba’t ibang contraceptives na isang rekisito ng ahensya bago ito maibenta sa merkado.

Sinabi ni Cayetano, pangunahing may-akda ng Reproductive Health Law at FDA Law, na ramdam na ng mga kababaihan ang kakulangan ng contraceptives sa merkado dahil hindi lamang aniya para sa iwas-pagbubuntis ang gamit ng mga gamot na ito, bagkus ay lunas din ito sa iba’t ibang sakit ng mga kababaihan.

Ayon kay Dr. Junice Melgar, myembro ng national implementing committee para sa RH Law ng DOH, masyado nang apektado ng TRO ang kakulangan ng mga medisina para sa mga kababaihan. Unti-unti aniyang pinapatay ng TRO ang mga ina ng tahanan dahil noong buwan ng Marso ay 43% porsyento na ng mga contraceptives na natitira sa merkado ay expired na at sa pagtatapos ng taon ay inaasahang 19% porsyento pa ang mag-eexpire. Sa susunod na taon (2018) ay may kabuuang 90% porsyento ang mag-eexpire kaya’t pagsapit ng taong 2020 ay ubos na ang mga ito.

Naniniwala si Dr. Esmeraldo Ilem, isang obstetrician-gynecologist sa Dr. Fabella Memorial Medical Center, na binago ng RH Law ang tagumpay ng family planning program sa bansa subali’t pinigil naman ito ng TRO kaya’t malamang na ang napakagandang hangarin ng programang ito ay napinpinto na ring magwakas kapag hindi tumugon sa panawagan ang mga kinauukulan.

Idinagdag ni Cayetano na walang batayan sa batas ang isinusulong ng mga Pro-Life activists sa pagsesertipika ng mga gamot ng FDA dahil isang paraan lamang aniya ito upang mabalam sa pagpapairal ang RH Law. Nanawagan siya sa Supreme Court na kung may malasakit sila sa mga kababaihan ay alisin na nila ang kontobersyal na TRO sa sertipikasyon ng mga contraceptives at hayaang maibahagi ang mga ito sa merkado.
ThinkExist.com Quotes