Lunes, Mayo 08, 2017

Validity ng driver’s license, gagawing limang taon


Bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pabilisin ang serbisyo ng mga tanggapan ng pamahalaan sa mga mamamayan at maalis na ang mahahabang pila at mga iregularidad partikular na ang pagkuha at renewal ng lisensya sa Land Transportation Office (LTO) ay bumuo ng technical working groups ang House committee on transportation na pinamumunuan ni Samar Rep Cesar V. Sarmiento.

Babalangkasin ng komite ang iba’t ibang panukala na naglalayong pahabain ang validity ng drivers’ license mula sa tatlo tungo sa limang taon upang mapaluwag na ang pagsisikip sa mga tanggapan ng LTO.

Isa sa binuong technical working group (TWG) na pamumunuan ni Surigao del Sur Rep Johnny Ty Pimentel ay tatalakay sa mga panukalang inihain ng mga mambabatas tulad ng HB02542 na inihain ni Pimentel, HB 2294 ni Antipolo City Rep Romeo M. Acop, HB01952 na iniakda ni Batangas Rep Vilma Santos-Recto, HB01996 ni Quezon Rep Angelina D.L. Tan, HB02152 na inihain 1-PACMAN Partylist Rep Enrico A. Pineda, HB02817 ni Nueva Ecija Rep Estrellita B. Suansing at HB04627 na iniakda ni Deputy Speaker Rolando G. Andaya, Jr.

Sinabi ni Sarmiento na layunin ng pitong panukala na tugunan ang mga suliraning kinakaharap ng LTO tulad ng mga reklamo sa kakulangan plastic cards at mga usaping legal sa kontrata ng pagsusupply ng cards.

Kasama dito ang pagpapairal ng mas mahigpit na patakaran sa pagkuha ng lisensya upang matiyak na ang bibigyan ng lisensya ay sumasailalim sa masusing pagsusulit para maipairal ang mahigpit na disiplina sa mga tsuper at mabigyan sila ng sapat na kaalaman hindi lamang sa mga batas trapiko kungdi ang paghuhubog din sa maayos na asal at kaugalian ng mga tsuper partikular na ang mga nagmamaneho ng mga pampublikong sasakyan tulad ng tricycles, jeepneys, buses, taxis, trucks at delivery services.

Naniniwala si Pimentel na kapag naisabatas ang mga panukala ay magiging episyente ang tanggapan ng LTO dahil mababawasan na ang haba ng pila sa pagkuha at renewal ng lisensya dahil mas mahaba na ang validity nito. Bukod dito ay mabibigyan ng sapat na panahon ang mga bago pa lamang kumukuha ng lisensya.   

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Edgar Galvante, sinimulan na ng kanilang tanggapan ang extension ng validity ng driver’s license simula pa noong buwan ng Oktubre 2016 kaya’t positibong sinusuportahan ng LTO ang panukala dahil mapagtitibay nito ang mahalagang layunin kapag ganap na itong naisabatas.
ThinkExist.com Quotes