Huwebes, Abril 06, 2017

Pagsasaayos ng public land use, isinusulong sa Kamara

Nakatakdang gawaran ng mas malawak na kapangyarihan ng Kamara de Representantes ang ahensya na may kinalaman sa pagsasaayos ng mga gusot sa lupain at naglalayong itatag ang isang national land use policy na naaayon sa pambansang panuntunan at pamantayan matapos na aprubahan ng Mababang Kapulungan sa ikalawang pagbasa ang HB05240.

Ang panukala na iniakda nina Quezon City Rep Jose Christopher Belmonte, Dinagat Rep Kaka Bag-ao, Deputy Speaker at Marikina City Rep Romero Quimbo, CIBAC Partylist Rep Sherwin Tugna, Muntinlupa City Rep Rozzano Rufino Biazon, Ifugao Rep Teddy Baguilat Jr, Cagayan de Oro Rep Maximo Rodriguez Jr, AKBAYAN Partylist Rep Tom Villarin, Negros Oriental Rep Virgilio Lacson, Bulacan Rep Jose Antonio Sy-Alvarado, Negros Oriental Rep Manuel Sagarbarria, 1-PACMAN Partylist Rep Enrico Pineda, Pampanga Reps Juan Pablo Bondoc at Aurelio Gonzales Jr, at Batanes Rep Henedina Abad, ay naglalayong buwagin na ang National Land Use Committee (NLUC) na nasa ilalim ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board at ipapalit dito ang NLUPC.

Ilan sa mahahalagang usapin na isinasaad sa panukala ay upang ilatag ang hangganan ng mga responsibilidad ng mga ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan sa pagpa-plano at implementasyon ng mga patakaran sa pangangalaga ng mga lupaing isinailalim sa produksyon, settlement at pagpapaunlad ng imprastraktura at naglalayong itaguyod ang balanseng pag-unlad at tapusin ang pagkasira ng mga lupain sa bansa.

Layunin din ng panukala na kumpletuhin ang mga kasalukuyang cadastral surveys na isinasagawa ng dating ahensya, ang pagpapatatag ng paggamit ng mga lupain sa wastong pamamaraan, pagmamantine at pangangalaga ng kalikasan at kapaligiran, wastong pamamahala at paggamit ng likas-yaman, wastong pagpaplano para sa maayos na pagtugon sa mga panganib dulot ng klima at panahon at iba’t ibang kalamidad, pangangalaga ng mga pangunahing lupaing pang-agrikultura para sa produksyon ng pagkain, pangangalaga at proteksyon ng pinagkukunan ng malinis na tubig, pangangalaga at pagpapaunlad ng lupain para sa murang pabahay, at ang pagguhit ng mga permanenteng hangganan ng mga kagubatan para sa kaunlaran at pagmamantine ng likas-yaman na nagmumula rito.
ThinkExist.com Quotes